Abante Tonite
Mabilis sa Balita

`Di puwedeng paulit-ulit na lang pagbaha – Gatchalian

0 51

Kinakailangang repasuhin ang protocol sa pagpapakawala ng tubig mula sa mga dam para hindi na maging paulit-ulit ang nararanasang pagbaha sa mga lugar na apektado nito.

Inihayag ito ni Senador Sherwin Gatchalian sa isinagawang ocular inspection sa Cagayan at Isabela nitong Sabado para malaman kung gaano kalawak ang pinsalang dulot ng malawakang pagbaha sa ilang probinsya sa Luzon kasunod ng bagyong `Ulysses’.

Nais ng senador na tingnan sa isasagawang imbestigasyon ng Senado ang buong sistema sa pagbubukas ng gate ng mga dam hindi lamang sa Cagayan kundi maging sa iba pang lugar na binaha sa kasagsagan ng bagyong `Ulysses’.

“Paulit-ulit na lang itong mga ganitong pagbaha. Hindi ito ang unang pagkakataon na ganito kalawak ang naging pinsala ng pagbaha dulot ng pagbubukas ng mga dam, hindi lang ng Magat kundi pati `yong iba na nakaapekto rin sa Marikina. Gusto kong malaman kung bakit paulit-ulit na lang ito,” ani Gatchalian.

“Ganito rin ang nangyari noong bagyong Ondoy ilang taon na rin ang nakalipas. Hindi pwedeng paulit-ulit na lang ito dahil maraming ari-arian ang nasisira at maraming buhay ang nasasakripisyo,” dagdag pa ng senador.

Leave A Reply

Your email address will not be published.