Abante Tonite Interactive

‘Di type ng anak ang inihain, ermat sinaksak

447

Sinaksak ng gunting ng isang 50-anyos na la­laki ang matanda nang ina nang hindi nito magustuhan ang inihaing pagkain sa kanya sa Dasmariñas City, Cavite.

Ginagamot ngayon sa Pagamutan ng Dasmariñas City ang biktimang si Eliza Edradan, 80, na nasa ligtas ng kalagayan. Hawak naman na ng pulisya ang anak nitong si Edwin Edradan, may-asawa, ng Blk 96 Zone 10, Brgy. Sampaloc 4, Dasmariñas City, Cavite.

Sa ulat ni PCpl. Aaron John Golo, ng Dasmariñas City Police Station, alas-7:30 kamakalawa ng gabi nang naganap ang insidente sa bahay ng mag-ina. Galing sa labas ang ina at pag-uwi ay naghanda ng pagkain ng anak na noon ay bagong gising at umano’y gutom na.

Pero imbes na pasalamatan ng anak ang serbisyo ng ina ay nagalit pa ito, kumuha ng gunting at sinaksak sa tiyan ang nanay dahil hindi niya nagustuhan ang inihanda sa kanya.

Isinugod ang biktima sa ospital habang inaresto ng mga barangay tanod ang suspek na sinasabing may deperensiya sa pag-iisip. (Gene Adsuara)