Abante Tonite Interactive

Diaz, 7 pa bubuhat sa Olympic qualifying meet

273

Walong national weightlifter kasama si 2016 Rio De Janiero Olympics silver medalist Hidilyn Diaz ang pilit na iuuwi ang mga nakata­yang medalya at importanteng puntos upang makapagku­walipika sa 2020 Tokyo Olympics sa pagsabak sa 2019 Asian Weightlifting Championship sa Ningbo, China na nagsimula na nitong Abril 18 at magtatapos sa Abril 28.

Ang walong pambansang atleta ay binubuo nina 2016 Rio Olympics veteran Nestor Colonia, Diaz, John Febuar Ceniza, Jeffrey Garcia, Rosegie Ramos, Elreen Ann Ando, Maryflor Diaz at si Kristel Macrohon.

Ang torneo ang una sa mga itinakdang qualification event para sa mga atletang nagnanais na makatuntong sa iba’t ibang paglalabanan na weight category sa Tokyo 2020 Olympic Games.

Sinabi ni Samahan ng Weightlifting sa Pilipinas (SWP) president Monico Puentevella na maliban kay Hidilyn ay diretso nang magtutungo ang pito nitong miyembro sa Ningbo upang agad na makapaghanda at masanay ang mga katawan bago sumabak sa 10 araw na torneo.

Si Diaz ay nauna nang nagpunta sa China huling Linggo ng Pebrero upang ipagpatuloy ang matindi niotng pagsasanay sa ilalim ng kinuha na Chinese coach bilang paghahanda sa pagsabak nito sa sunod-sunod na qualifying tournament na una na dito ang Asian Weightlifting Championships sa Ningbu sa Abril 16. (Lito Oredo)