Abante Tonite Interactive

Diaz binitbit ang dyowa sa World Cup

420

Siguruhin ang kanyang ikaapat na silya sa 2020 Tokyo Olympic Games ang hangad ni Hidilyn Diaz sa pagsabak sa Rome 2020 World Cup sa Enero 27-31.

Umalis ang 2016 Rio de Janeiro Olympics silver medalist kasama ang kanyang koponan na binubuo ng mga sports science expert pa-Italy Sabado ng hapon upang maagang makapaghanda at makapag-adjust sa klima sa krusyal na torneo.

Kailangan ni Diaz na makamedalyang ginto sa World Cup upang mag-qualify sa Tokyo Games.

Ang World Cup ay isa sa Olympic Qualifying Tournament (OQT) para sa 2020 Tokyo Games.

Kasama ng 28-anyos na weightlifter mula Zamboanga City ang kanyang Chinese coach na si Kaiwen Gao at ang boyfriend at conditioning/strengthening­ coach Julius Irvin Naranjo.

Sasalang si Diaz sa 55kg kung saan ikalima siya sa kasalukuyang International Weightlifting Federation (IWF) rankings. ‘Di isinali ang dating regular na sinasalihang 53kg ni Diaz sa Tokyo kaya napilitan siyang mag-55kg.

Nag-gold si Diaz sa 53kg ng 2018 Asian Games sa Indonesia at tanso sa 2017 World Championship sa Anaheim, USA, saka nag-bronse sa 55kg division sa Worlds sa Pattaya, Thailand.

Parehong sa 53kg category nanalo ng ginto sa Asiad at pilak sa 2016 Rio Games ang Pinay lifter. (Lito Oredo)