Abante Tonite Interactive

Diaz, Uy, Caluag, Saso sasampa sa Olympics

281

Higit sa 70 pambansang atleta mula sa iba’t ibang National Sports Associations (NSA) ang sasabak sa mga quali­fying event para sa inaasam na silya sa 2020 Tokyo Olympics.

Pitong weightlifter sa pangunguna ni Rio de Janeiro silver meda­list Hidilyn Diaz at kapwa Olympian Nestor Colonia ang bubuhat sa Roma 2020 World Cup sa Enero 27-31.

Babanat naman ang 30th SEA Games gold medalist na sina Kristel Macrohon at silver meda­list Elreen Ando sa 2020 Asian Weightlifting Championships sa Nur-Sultan, Kazakhstan sa Abril 20-25 kasama sina Maryflor Diaz, John Ceniza at Jeffrey Garcia.

Mangunguna sa mga national boxer ang reigning­ world champion na si Nesthy Petecio at Eumir Marcial sa pagsabak sa Asia-Oceania Olympic qualifying meet sa Pebrero 3-14 sa Wuhan, China at panghuli ang World Olympic qualifying tournament sa Mayo 13-24 sa Paris, France.

Tatangkain ni sprinter Kristina Knott, na nagwagi ng dalawang gintong medalya kasama ang itinalang record sa women’s 200 meters sa 30th SEAG, na makasampa sa Olympics sa pagsabak sa continental meet sa Pebrero 12-13 na Asian Athletics Indoor Championships sa Hangzhou, China.

Kasama ni Knott na magtatangka ang pole vaulter na si Natalie Uy at marathoner Cristine Hallasgo na nagtala ng maigting na panalo sa pagbigo sa dating SEA Games marathon queen na si Mary Joy Tabal.

Pilit naman kukumpletuhin ang kailangang puntos para sa ticket sa Tokyo ang golfer na si Yuka Saso, Dottie Ardina at Bianca Pagdanganan, gayundin sina karateka Joane Orbon, Junna Tsukii, Sharif Afif at Jamie Lim.

Aalagaan na lamang ni judoka Kiyomi Watanabe ang kanyang silya sa Top 20 sa mundo habang asam din nina BMX cyclist Daniel Caluag at swimmer James Deiparine at Remedy Rule na makasampa sa mga puwesto na kailangan na punan ng mga internasyonal nilang pederasyon para makahabol sa Olympics. (Lito Oredo)

Tonite – Wendys Inhouse Ad