Abante Tonite Interactive

Diborsyo sa Muslim wife, balido – SC

252

Dahil sa kawalan ng merito, binasura ng Supreme Court (SC) ang petisyon ng isang Muslim wife na kumukwestyon sa paggawad ng diborsyong inihain ng kanyang asawa sa Talaq 8th Shari’a Circuit Court (SCC) ng Tacurong City na kinatigan din ng 5th Shari’a District Court (SDC) sa Cotabato City.

Sa 11 pahinang reso­lusyon, sinabi ng SC First Division na walang dahilan para baguhin ang pasya ng SCC at SDC dahil valid na ang desisyon na inilabas nito.

Kinatigan ng SC ang mga kautusan na may petsang Nobyembre 2, 2011 at Enero 9, 2012 ng 5th SDC na nagbabasura sa apela ng petitioner na si Rohaina Sumagka, kasabay ng pagpapatibay ng Decree of Divorce, maging ang kasunod na motion for reconsideration.

Parehong Muslim sina Rohaina at Abdulgani Sumagka, na ikinasal sa ilalim ng Muslim law sa Tinagacan, General Santos City noong Hulyo 18, 1998.

Noong Pebrero 4, 2004, nag-renew sila ng marriage vows sa ilalim ng civil rites sa harap ng dating alkalde ng Alabel, Sarangani. Pero hindi nagtagal ay nagbago ang kanilang relasyon mula nang ma­ging pulis si Abdulgani noong 2006 at madestino sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.

Dahil sa madalas na pagseselos at paghihinala ni Rohaina, naghain si Abdulgani ng petition for divorce sa Talaq SCC batay sa Article 46 ng Presidential Decree No. 1083, o Code of Muslim Personal Laws of the Phi­lippines).

Kasunod nito ay dumulog si Rohaina sa hukuman para maghain ng kanyang petisyon laban sa diborsyong iginiit ng kanyang asawa.

Iginiit ng SC na tunay na Muslim sina Rohaina at Abdulgani, kung saan u­nang ipinagdiwang ang kanilang kasal sa ilalim ng Muslim rites at hindi maaaring mapalitan ng civil law marriage ang nauna nilang kasal.

“The Muslim Code continues to govern the marital relations of Muslim spouses who first wed under Muslim law rites and decided to wed again under civil law rites,” ayon sa SC. (Lorraine Gamo)