Abante Tonite Interactive

DICT naghahanap ng local company Smartmatic sisipain na

244

Naghahanap na ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng local company na puwedeng maging automated election system (AES) provider kapalit ng Smartmatic.

Sa ginanap na AES technology fair ng kagawaran sa UP Diliman, Quezon City, ipi­nahayag ni DICT Secretary Gregorio “Gringo” Honasan na inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang tanggapan para tumulong na makahanap ng alternatibong AES para sa 2022 elections.

Matatandaan na matapos ang May 13 midterm elections ay binanatan ng Pangulo ang Smartmatic dahil sa mga aberyang naranasan sa halalan katulad ng mga palyadong vote counting machine at mga SD card na hindi gumana sa isinagawang botohan.

“The objectives are, of course, speed, transparency, and credibility. There is a need to improve transparency, for better accounta­bility,” pahayag ni Honasan.

Ipinahayag naman ni DICT Undersecretary Eliseo Rio na maaaring palitan ng Come­lec ang Smartmatic ng ibang AES provider na may ibang AES concept kapag hindi nagbago ang binibigay na serbisyo ng naturang kompanya.

“They have to compete now with so many concepts, with so many ideas. So kung ‘yun pa rin ang kanilang ipo-propose, talagang matatalo na sila. So they have to improve,” ani Rio.

Ayon kay Rio, hindi kinakailangan na international company ang kukuning AES o­perator sa susunod na eleksyon dahil marami namang lokal na kompanya ang may kakayahang gawin ito.

“Gusto nga naming Pilipino kasi kaya naman ng Pilipino,” sabi pa ni Rio.
Pero, nilinaw din ni Rio na hindi naman pinagbabawalan ang Smartmatic na makuha ulit bilang AES operator pero kailangan nitong pagbutihin ang kanilang serbisyo.

Sinabi pa ni Rio na magpipresenta lang ang DICT ng mga konsepto at pagbabago mula sa ibang AES provider at ang Comelec pa rin ang pinal na magpapasya hinggil dito.

“Independent po sila. Kung sabihin ng Comelec na Smartmatic pa rin tayo, walang maka-object dun. Pero sasagot sila sa mga tao,” ani Rio. (PNA)