Abante Tonite Interactive

Didal magpapagawa ng skate park

By
413

Balik-bansa na ang isa sa ‘Golden Girls’ ng Pilipinas na si Margielyn Didal mula sa matagumpay nitong kampanya sa katatapos lang na 18th Asian Games sa Jakarta at Palembang, Indonesia.

Si Didal ang ikaapat na Pilipina na nakapag-uwi ng gintong medalya para sa bansa sa sports na women’s street skateboarding.

Lunes nang hapon nang lumapag ang eroplanong sinasakyan ni Didal sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay at sinalubong naman siya ni Philippine Sports Commission commissioner Ramon Fernandez at ni Skateboarding NSA chairman Monty Medigoria.

Nagpapasalamat ang 19-anyos na si Didal sa lahat ng sumuporta sa kanya mula sa simula hanggang sa makuha niya ang gintong medalya sa Asiad.
Emosyunal ding inalala at sinariwa ni Didal na ang kanyang mga dinaa­nan noong nag-uumpisa pa lang siyang mahilig sa skateboarding at marami aniyang magagaling na ska­ters ang tinulungan siya.

Inamin din ni Didal na kumpiyansa siya na makukuha niya ang ginto sa Asiad 3 araw bago ito sumalang dahil ang ginto aniyang makukuha niya ay para sa kanyang pamilya.

Matapos ang Asiad, puntirya nga­yon ni Didal na makatungtong sa 2020 Tokyo Olympics kaya ngayon pa lang ay maghahanda na siya para sa pagdating ng Qualifiers sa Enero sa Brazil ay makasikwat siya ng puwesto para sa Olympics.

Makakatanggap ng P6 milyong piso si Didal bilang incentive sa pagkakapanalo ng ginto at gagamitin niya raw ito sa pagpapatayo ng negosyo gaya ng water refilling station at sari-sari store.

Ngayon mas nakilala na ang skateboarding sa bansa, nais ni Didal na bigyang importansiya ng pamahalaan ang sports na ito sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga skate park sa bawat barangay sa bansa.