Abante Tonite Interactive

Didal namemeligro sa Tokyo Olympics

291

NAMEMELIGRO na hindi makapagkuwalipika sa asam na 2020 Tokyo Olympics ang 2018 Asian Games gold medalist na si Margielyn Arda Didal matapos na mahulog ito mula sa pinakamataas na naabot na ikalima pababa sa ika-13 puwesto sa inilabas na Olympic World Skateboarding Ranking for Women’s Street.

Nalaglag sa kailangang bilang ng magkukuwalipika sa Olympics si Didal matapos hindi makasali sa isinagawa na World Skateboarding Open na ginanap kamakailan sa Qinfeng, China.

Tatlong Brazilian ang umokupa sa unang tatlong puwesto kasunod ang Australia, Japan at USA. Ikapito ang The Netherlands, Japan, Brazil at USA. Nasa unahan ni Didal ang Japan at USA sa ika-11 at ika-12 silya.

“This is the reason why all ranking competitions towards the Tokyo Olympics are all important,” sabi ni Skateboarding and Roller Sports Association of the Philippines (SRAP) president Monty Mendegoria.

“Next stop is Sao Paolo, Brazil for the Street League Skateboarding World Championships.”

Hindi nakasali sa katatapos lamang na International Skateboarding Federation 5-star ranked na World Skateboarding Open sa Qinfeng, China si Didal dahil sa pinansiyal na problema.

Ito din ang problema ng asosasyon sa inaasam nitong maisabak si Didal sa Brazil.

Mayroon lamang natipon na kabuuang 14,630 puntos si Didal mula sa sinalihang unang tatlong torneo na SLS London Pro Tour, 5-Star Dew Tour at ang SLS Los Angeles Pro Tour. (Lito Oredo)