Abante Tonite Interactive

Dignidad para sa mga senador

By
214

Sa gitna ng kaguluhan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil sa pag-aagawan sa posisyon, patuloy naman ang reporma sa Senado na ang layunin ay ipakita ang dignidad ng mga senador.

Sa ikalawang linggo ng 3rd regular session ng 17th Congress, maraming mga pagbabago ang pinagkasunduang ipatupad ng mga miyembro ng Mataas na Kapulungan.

Isa na rito ang tipong ‘dramatic entrance’ ng ating mga mambabatas na kung dati ay isa-isa ang pasok sa session hall, ngayon ay nakahanay silang papasok sa hall mula sa executive lounge na parang entrance ng mga mahistrado ng Korte Suprema.

Eksaktong alas-tres ng hapon, mangingi­babaw na ang boses ni Senate Secretary Atty. Myra Marie Villarica at sasabihing “Ladies and gentlemen, let us all rise for the arrival of the Honorable Se­nate President and the Sena­tors of the Republic of the Philippines” bilang entrance ng mga mambabatas.

Sabi ni Senador Joel Villanueva, sa ganitong sistema’y ma­ging sila mismong mga mambabatas ay nakakaramdam ng pagiging ‘proud’ sa kanilang mga sarili o ramdam nila ang dignidad. Tipong sa pagpasok pa lamang aniya nila sa session hall, ramdam na ang kanilang importansya at may awtomatikong kaisipan na seryoso at mabigat ang kanilang mga tungkulin.

Ang epekto naman nito sa aming mga mamamahayag, bawal nang lapitan ang mga senador sa session hall bago magsimula ang sesyon, bawal na ang ambush interview o simpleng kuwentuhan para makakuha ng mga impormasyon sa mahahalagang isyu.

Isa rin ito sa napagkasunduan ng mga senador upang hindi rin daw magpapakalat-kalat ang mediamen bago ang sesyon sa loob ng session hall na ilang dekada nang nakasanayan ng mga mamamahayag.

May pwesto na lamang ding inilaan sa mga kagawad ng media sa gallery para sa pagko-cover ng sesyon at maging sa lobby para sa pagsasagawa ng ambush interviews.

Nagkaroon din ­tuloy ng pagtatampo ang mga kagawad ng media sa mga senador dahil parang lumitaw na panggulo lamang ang mga ito sa kanilang trabaho.

Sabi ni Senador Cynthia Villar, siguro raw ay naiingayan ang mga matatandang senador sa media kaya ibinawal na ang mga ito bago ang sesyon habang ikinatwiran ni Senador Loren Legarda na nais lamang niyang maging maayos ang bawat panayam ng media sa mga mambabatas kaya’t mas maganda kung mayroon ­silang akmang lugar para sa interviews.

Maganda naman ang mga repormang ito dahil ipinakikitang dapat kagalang-galang ang ating mga senador. May punto naman na dapat ipakitang ­kagalang-galang sila at may dignidad upang makuha ang respeto ng taumbayan.

Umaasa lamang ang inyong lingkod na hindi mababawasan ang transparency sa kanilang mga aksyon ngayong mistulang li­mitado ang galaw ng mga mamamaha­yag sa pagko-cover ng kanilang sesyon.