Abante Tonite Interactive

Digong aminadong mahirap mahuli ang mayayamang adik

0 2,390

Aminado si Pangulong Rodrigo Duterte na mahirap mahuli ang mga mayayamang drug addict sa bansa.

Sinabi ng Pangulo na bagama’t aktibo ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa war on drugs, madulas aniya ang mga mayayamang lulong o sangkot sa droga dahil mayroong eroplano, yate at sariling barko ang mga ito.

Bukod dito, coccaine at hindi shabu ang ginagamit ng mga mayayamang drug addict kaya’t nahihirapan aniya ang gobyerno na mahuli ang mga ito.

Aminado ang Presidente na hindi kakayanin ng mga awtoridad na habulin ang mga ito araw-araw kaya ang tinututukan ay ang mga drug personalities na sangkot sa shabu dahil sa lansangan ang kalimitang transaksiyon ng mga ito.

“Alam mo sa mga mayaman, it’s cocaine. At hindi mo pa mahuli-huli kasi may eroplano sila, may mga yate, may sariling barko. Mahirapan talaga ang gobyerno. We cannot afford to do that, chasing them all along every day,” anang Pangulo.

Pero tiwala si Pangulong Duterte na masasakote rin ang mga ito sa tamang pagkakataon at panahon dahil hindi aniya titigil ang kampanya laban sa mga iligal na droga hangga’t hindi natatapos ang kanyang termino. (Aileen Taliping)