Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Digong binoldyak tandem kay Bongbong

0 288

Biglang umasim diumano ang ugnayan sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at dating senador Bongbong Marcos ilang araw na lamang ang nalalabi bago ang deadline sa paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa 2022 elections.

Ayon sa source ng online news site Politiko, hiniling umano ng kampo ni Marcos na personal na makaharap ang Pangulo para mapag-usapan ang posibleng tandem nila sa 2022 elections.

Target umano ni Marcos na tumakbo sa pagka-presideente at running mate niya si Pangulong Duterte.

Nauna rito ay pinaplantsa diumano ni Marcos na maka-tandem si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio subalit inihayag na nito sa publiko na hindi siya interesadong tumakbo sa pagka-pangulo o kahit na bise president.

Hindi umano nagkaroon ng pagkakataon si Marcos na makausap si Pangulong Duterte. Tanging nakaharap niya ay si Executive Secretary Salvador Medialdea.

Nais umano makaharap ni Marcos si Pangulong Duterte bago pa nangyari ang pagpunta nito sa Commission on Elections (Comelec) noong Sabado, Oktubre 2, kung saan sorpresang inanunsiyo ang kanyang pagreretiro sa politika at inatras ang pagtakbo sa pagka-bise presidente sa ilalim ng PDP-Laban.

Sa halip ay ang kanyang dating presidential assistant na si Senador Bong Go ang naghain ng COC para sa pagka-bise president.

Matapos samahan si Go sa paghahain ng COC ay nakapanayam ng media ang Pangulo at binanggit nito na nais niyang tumakbo sa pagka-pangulo ang anak na si Mayor Sara at si Go ang running mate. Subalit noong Sabado rin ay naghain naman ang alkalde ng COC para muling kumandidato sa kanyang puwesto.

Ayon sa Politiko source, umasim ang pakikitungo ni Pangulong Duterte sa mga Marcos dahil na rin kay Senador Imee Marcos na panay ang banat at kuwestiyon sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee hinggil sa mga overpriced umano na medical supply na binili ng Department of Health (DOH) sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.

“Hindi natutuwa si Presidente sa pagtatanong ni Imee,” sabi ng source.

Ibinunyag pa ng source na posible umanong tumakbo pa rin si Pangulong Duterte sa pagka-bise president sa pamamagitan ng pag-substitute kay Go bago ang November 15 deadline.

Dagdag pa ng source na bukas pa rin umano si Marcos na maging running mate ang Pangulo kapag hindi nagbago ang isip ni Mayor Sara na maging tandem sila sa 2022 elections.

Leave A Reply

Your email address will not be published.