Abante Tonite Interactive

Digong ‘di titigilan si Trillanes

0 658

Hindi titigilan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangha-harass kay da­ting Senador Antonio Trillanes.

Kasunod na rin ito sa tuluyan nang pag-isyu ng arrest order laban sa da­ting senador sa isinampang sedition charges.

Hindi na ito ikinagulat ni Magdalo Party-list Rep. Manuel Cabochan.
Ayon sa kongresista, simula pa man, ang mga kasong isinampa laban sa dating senador ay para patahimikin ito at ang sedition charges ay isang malinaw na senyales ng patuloy na political harassment at bullying strategy ng administrasyong Duterte laban sa dating senador.

“The sedition charges are clearly a sign of the administration’s continuing political harassment and bullying strategy,” ayon kay Cabochan.

Sa halip umano na pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang mas mahalagang isyu tulad ng novel coronavirus outbreak at muling pagkonsidera sa Visiting Forces Agreement, mas pinili umanong abusuhin nito ang kapangyarihan para durugin at patahimikin ang mga kritiko nito.

Gayunpaman, kumpiyansa ang kongresista na kayang harapin ng da­ting senador ang kaso at malilinis ang kanyang pangalan mula sa mga mali at walang basehang akusasyon.

Samantala, handa na ang Phi­lippine National Police (PNP) para a­restuhin si dating Senador Antonio Trillanes IV, at iba pa sakaling ipag-utos na ng korte.

“Naghahanda na ang PNP upang isagawa ang pag-aresto sa mga akusado,” pahayag ni PNP Spokesman Brig. Gen. Bernard Banac sa media interview kahapon nang hapon sa Camp Crame.

Ayon kay Banac, naghihintay na lang ng kopya ng utos mula sa Quezon City Metropolitan Trial Court ang pulisya para mahuli si Trillanes na kasalukuyang nasa ibang bansa at iba pang akusado.

“Ngayon ay pinaghahandaan na ng PNP ito at inaalam na natin ang kinaroroonan ng bawat isa,” dagdag pa ni Banac. (Eralyn Prado/Edwin Balasa)