Abante Tonite Interactive

Digong hinikayat na pakialaman ang pagpapatupad sa dagdag suweldo

0 131

Nanawagan si Senate Minority Leader Franklin Drilon kay Pangulong Rodrigo Duterte at Executive Secretary Salvador Medialdea na aksyunan na ang mistulang pagharang ni Budget Secretary Benjamin Diokno sa pagpapatupad ng ikaapat na bahagi ng Salary Standardization Law (SSL).

Nanindigan si Drilon na may sapat na batayan upang ipatupad ang dagdag sahod dahil nakasaad ito sa Executive Order ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Bukod dito, kahit pa aniya ­re-enacted ang budget ng unang bahagi ng 2019, nakasaad naman sa 2018 National Budget ang paggamit ng pondo sa ilalim ng Miscellaneous Personnel Benefit Fund (MPBF).

“May batas authorizing the sa­lary standardization increase, yan po ay pinirmahan ni dating Pangulong Noynoy Aquino bago siya umalis. 2nd, meron pong savings, sa 2018 malaki ang savings sa MPBF na isang lump sum amount na nakalagay sa 2018. Ako ay sigurado na di pa nauubos ito,” dagdag ni Drilon.

Dahil dito, hindi aniya maaaring pigilan ni Diokno ang mga senador at apurahin ang approval ng 2019 National Budget.

“Dapat po pakialaman ng ­Pangulo ito, ‘di lang po si Sec. Diokno ang dapat mangasiwa kundi si Sec. Medialdea. Nananawagan kami kay Sec. Medialdea to review this act of Sec. Diokno,” giit ng senador. (Dang Samson-Garcia)