Abante Tonite Interactive

Digong kay Trillanes: Tumira ka na lang sa Senado

By ,
2,797

Hindi interesado si Pangulong Rodrigo Duterte na ipaaresto si Senador Antonio Trillanes IV sa kabila ng inisyung proclamation 572 na nagpawalang-bisa sa kanyang amnestiya.

Sa harap ito ng patuloy na pananatili ng senador sa Senado dahil sa pangambang arestuhin ito ng mga awtoridad kahit walang warrant of arrest.

Ayon sa Pangulo, walang interesadong umaresto kay Trillanes kahit pa ang police at militar dahil wala pa namang ipinapalabas na mandamiyento de aresto ang civilian court.

Malaya aniya ang senador na manatili sa senado bilang boarder kung gustuhin nito.

“Nobody is interes­ted to arrest them. The military does not have the interest, I don’t have the interest. He can stay there as a border,” anang Pangulo.

Nakasaad sa procla­mation 572 na inisyu ng Pangulo noong nakalipas na linggo na arestuhin si Trillanes at ibalik kung saan ito da­ting nakadetini.

Nasa ika-sampung araw na ni Trillanes sa senado at hindi pa ito lumalabas dahil sa pa­ngambang arestuhin ito ng mga nag-aabang na operatiba ng militar at pulisya.

Samantala, naudlot­ ang pagtatangka ni Trillanes na lumabas ng Senado kahapon makaraang matunugan ng kampo nito na tuluyan siyang aarestuhin.

Sabi ng senador, nagkaroon ng augmentation ng police personnel sa paligid ng Senado matapos niyang ihayag na plano na niyang umuwi.

“A few hours ago eh talagang winarningan na kami, ako ng AFP arresting units na talagang hulihin ako paglabas,” sabi ni Trillanes.

Dahil dito, nagdesi­syon ang kampo ng mambabatas na manatili sa loob ng Senado hangga’t walang malinaw na kautusan na hindi siya aarestuhin ng mga awtoridad.