Abante Tonite Interactive

Digong nagpa-survey para sa sunod na PNP chief

0 167

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hirap pa ito na makapili ng itatalagang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP).

Aniya, hinahanap pa nito ang angkop na opisyal na magiging hepe ng pambansang pulisya matapos mag-resign si dating PNP Chief Oscar Albayalde na isinangkot sa sindikato ng mga ninja cop.

Malaking responsibilidad ang iaatang sa balikat ng susunod na PNP chief kaya dapat walang bahid-dungis ang record ng susunod na iluluklok nito sa PNP.

“Naga-survey pa ako kung saan mahanap ‘yan. Mahirap talaga mag-ano. Mahirap maghanap ng tao na ibigay mo ‘yang malaking responsibilidad. Very hard. Eh tayo naman, we go by the record,” anang Pangulo.

Sa kaso aniya ni Albayalde, hindi sinabi sa kanya ang insidente noon sa Pampanga kung saan naungkat ang isyu ng ninja cops at isinangkot ito dahil mga tauhan nito ang sangkot umano sa sindikato.

“Wala namang sinabi sa akin na ‘yung pangyayari sa Pampanga o ano. Eh hindi ko man alam lahat ng krimen sa Pilipinas before I became President,” dagdag pa ng Pangulo.

Idinagdag pa ni Pangulong Duterte na noong alkalde pa ito, ang tanging concern nito ay ang mga nangyayaring krimen sa Davao City at mga kalapit probinsya.

Matatandaang pinili ng Pangulo si Albayalde bilang PNP chief dahil sa pagiging istrikto nito, at hindi umano nito alam ang pagka-relieved nito sa Central Luzon dahil sa isyu ng mga ninja cop. (Aileen Taliping)