Digong pampalakas loob ng mga Pinoy sa bakuna – Leni

Nakikita ni Vice President Leni Robredo na lalakas ang loob ng mga Pinoy na paturok ng bakuna laban sa COVID-19 kung pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang immunization program ng gobyerno katulad ng ginawa ng ilang head of state sa ibang bansa.
“Iyong sinasabi lang natin, mahalaga kasing Pangulo talaga iyong mauna. Kung ayaw niya, ako willing naman akong mauna,” pahayag ni Robredo sa kanyang lingguhang programa sa radyo na “Biserbisyong Leni” nitong Linggo.

Una nang ipinahayag ng Malacañang na patuturok ng bakuna kontra COVID-19 ang Pangulo subalit hindi na ito kinakailangan pang ipakita sa publiko. Iaanunsyo na lamang umano ito kapag nabakunahan na.
Paliwanag naman ni Robredo, malaking bagay kung magpapabakuna sa harap ng publiko ang mga matataas na opisyal ng gobyerno para magtiwala ang mga tao sa ituturok sa kanila.