Abante Tonite Interactive

Digong sa mga police scalawag: Konting pagkakamali, itutumba!

By
0 594

Iniharap kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang ang humigit-kumulang 100 mga police scalawag na nahaharap sa iba’t ibang kasong kriminal at kasong administratibo.

Namumulaklak ng mura ang bibig ng ­Pangulo dahil sa galit nang makaharap ang mga pasaway na pulis na nagmula sa National Capital Region (NCR), Regions 3 at 4A.

Tinawag ni Pangulong Duterte ang mga police scalawag na salot ng lipunan at nagtataka ito kung paano nakapasok sa Philippine National Police (PNP) dahil sinisira nila ang institusyon na nagmamantine ng peace and order.

Abante Hiring – IT dep

Maganda na aniya ang imahe ng mga pulis at tumaas na ang respeto ng publiko pero winawasak naman ng mga ito.

Sinabi pa ng Presidente na ire-review niya ang kaso ng mga pulis at ang mga sangkot na iligal na droga, sindikato at katiwalian ay babantayan ng special unit nito, at kapag nagkamali nang konti ay itutumba ang mga ito.

Pinayuhan din ni Pangulong Duterte ang mga nakakulong na pulis na huwag nang magpiyansa dahil kapag nakalabas ang mga ito tiyak na mayroon ding kalalagyan.

“I will review your cases. Kayong mga may kasalanan na sindikato sa droga, sindikato sa corruption, meron akong special unit, habang buhay bantayan kayo at ‘pag nagkamali kayo nang konti, sabihin ko patayin kayo. Kayong mga may kaso huwag na kayong mag-bail. Huwag na kayong magpiyansa, magtiis kayo diyan sa loob. Mas safer ang Pilipinas kung nasa loob kayo o kung hindi patay kayo,” dagdag pa ng Pangulo.

May mensahe rin ang Pangulo sa pamilya ng mga police scalawag na kausapin at tanungin ang mga ito sa ginawang kalokohan dahil kapag may nangyari sa mga ito at napatay ay huwag manisi at huwag sisigaw ng human rights at due process.