Abante Tonite Interactive

Digong sinaksihan ang pagbabalik ng mga Balangiga Bell sa Samar

377

Personal na sinaksihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang opisyal na hand-over ng Transfer Certificate ng mga Balangiga Bell sa mga lokal na opisyal ng Balangiga sa Eastern Samar.

Ang Transfer Certificate ay iniabot ni United States Deputy Chief Mission John Law kay Defense Secretary Delfin Lorenzana na ibinigay naman kay Balangiga Mayor Randy Gaza.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na nakikiisa siya sa nadaramang kasiyahan ng mga taga-Balangiga sa pagbabalik ng kanilang kampana makalipas ang 117 taon.

Sa simula ng kanyang talumpati ay sinabi ng Pangulo na pinapili siya kung magtatalum­pati ng mahaba subalit mas pinili nitong tututok na lamang sa importansiya ng aktibidad.

“I was given a choice whether I would give a talk or not. But consi­dering the emotional significance of the event, I opt to just say a few words coming from the Republic of the Philippines,” anang Pangulo.

Sinabi ng Pangulo na tunay na madamdamin ang araw na pagbabalik ng tatlong kampana dahil matapos ang matagal na paghihintay at halos mawalan ng pag-asa na maibalik ito ay nagkaroon na ng kaganapan.

“Today’s gathering is indeed a time to be truly sentimental as we welcome back our Ba­langiga bells. It has been 117 years since these bells were taken away from us. Yet we never lose hope that someday these.. will be returned to where they belong,” dagdag pa ng Pangulo.

Ngayong naibalik na ang mga kampana, sinabi ng Pangulo na nakikiisa ang samba­yanan sa Diocese ng Borongan sa selebrasyon ng makasaysayang araw na ito.

Kasabay nito muling nilinaw ni Pangulong Duterte na walang sino mang dapat umako ng kredito sa pagbalik ng mga kampana kundi ang buong sambayanan na nagdasal para sa pagbabalik ng mga ito at ang Amerika.

“The bells are returned and it was really because of the fervent prayer of the entire Filipino nation. Nobody but nobody can claim a singular credit for the generous act of the Americans. The bells are returned, the credit goes to the American people and to the Filipino people period,” wika pa ng Pangulo.