Abante Tonite Interactive

Digong walang ipamumudmod na P1M sa bawat Marcos loyalist – Roque

By
6,651

Pinabulaanan ng Malacañang ang ulat na magbibigay umano ng tig-isang milyong piso si Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte sa mga Marcos loyalist.

Sa press briefing ni Presidential spokesman Harry Roque sa Laoag, Ilocos Norte kahapon, itinanggi nito ang ulat na mamimigay umano ng tig-isang milyong piso ang Pangulo sa mga tagasuporta ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Binanggit naman ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos sa naturang press briefing, huwag maniwala sa mga ipinapakalat na impormasyon dahil walang katotohanan ito kaya’t huwag magpadala sa pangloloko ng ibang tao.

Ginawa na aniya ito noong Setyembre 2017, kung saan dinagsa ng Marcos loyalists ang University of the Philippines Los Banos (UPLB) campus sa Laguna matapos mapaulat na mamumudmod ng pera galing sa mga Marcos.

Pinaniwala din ang mga Marcos loyalist na may huhukayin silang bahagi ng yaman ng dating diktador na nakabaon sa malawak na lupain ng UPLB.

“Well, babala para sa publiko na talaga naman kahit kailan, hindi nangolekta ang aking pamilya ng ano mang halaga upang bigyan ng karampatang milyon-milyon na sinasabing Marcos wealth. Huwag kayong maniniwala, huwag kayong magpabiktima, ilang beses na itong nangyayari, huwag tayong nagpapadala at hindi ito totoo!” ani Governor Marcos.

Batay sa ulat, maraming mga Marcos supporter ang bumiyahe patungong Maynila para umano makakuha sa ipamumudmod ni Pangulong Duterte na tig-isang milyong piso.