Abante Tonite Interactive

Diktador ‘di kailangan ng mga Filipino

By
427

Madalas nating marinig na ang mga Filipino ay maaaring tumino at umunlad ang Pilipinas sa kamay ng isang lider na diktador.

Narinig din natin ‘yan mismo kay Pa­ngulong Duterte na mas pabor siya na ang humalili sa kanya sa puwesto ay isang diktador na kagaya ni dating Pangulong Marcos.

Muling ipinaaalam ng Pangulo sa publiko na idolo niya si Marcos sa pagiging diktador.

Pero sa kabilang banda, maaaring maging matino ang bansa kung ang lider ay masasabing diktador at hindi magnanakaw at magsasamantala sa kaban ng bayan.

Ayon na rin sa kasaysayan at sa mga napaulat, si Marcos ay sangkot sa sinasabing umano’y pagnanakaw sa salapi ng bayan.

Sa katunayan, marami nang nabawi ang gobyerno ng Pilipinas sa mga umano’y tagong yaman ni Marcos.

Hindi maaaring ihalintulad ang pagi­ging diktador ni Marcos sa naging lider ng Singapore na si Lee Kuan Yew na nagpatupad nang mahigpit na patakaran sa kanilang bansa na naging dahilan upang umunlad sila.

Masyadong malayo kung ikukumpara si Marcos kay Lee Kuan Yew dahil ang Singaporean leader ay hindi nasangkot sa matitinding alegasyon ng katiwalian.

Pero sa aking pa­nanaw ay hindi naman kailangan ang mamumuno sa Pilipinas ay isang diktador dahil ang kailangan ng mga Filipino ay isang lider na hindi aabuso sa kapangyarihan at madadawit sa katiwalian.

At lalong hindi kailangan ng mga Filipino ang lider ng diktador, mas importante ay isang Pangulo na mapagmahal sa masang Filipino at totoong lu­malaban sa katiwalian.

Mayorya ng mga Filipino ay mas pabor sa demokrasya na sumusunod sa Konstitusyon at ayaw ng diktador kaya nga nagkaisa ang marami na lumahok sa mapayapang EDSA People Revolution noong 1986 na siyang nagpabagsak sa rehimeng Marcos.