Abante Tonite Interactive

Diktadurang Duterte

By
757

Muli na namang nalalagay sa alanga­nin ang demokrasyang ating­ pinaglaban at patuloy na pinanga­ngalagaan. Wari ba’y nanunumbalik na naman ang paghahari ng diktadura sa panahon ni Pangulong Duterte, ngayong pilit niyang pinatatahimik ang kanyang mga kritiko.

Nauna nang ipinaaresto ng administrasyon si Sen. Leila de Lima dahil sa pagtuligsa nito sa kahayu­pan ng digmaan kontra droga.

Isinusunod na nga­yon si Sen. Antonio Trillanes na isa ring kritiko ng administras­yon at isa sa mga nananawagan kay Pangulong Duterte na pumirma ng bank waiver upang patunayan na wala itong tinatagong yaman —isang panawagan na hindi pa rin matugon-tugonan ng Pangulo.

Pilit na pinatatahimik at hinahanapan ng butas ng administrasyong ito ang mga miyembro ng oposis­yon na ginagampanan lang ang kanilang tungkulin na siguraduhing hindi aabusuhin ninuman ang kanilang kapangyarihan. Nakaka­dismaya na sa dinami-rami ng suliraning kinakaharap ng bansa, gaya ng tumataas na presyo ng bilihin at krisis sa pagkain, mas ina­atupag pa ng administrasyong ito ang pagtatakip sa sarili nitong katiwalian.

Kung susuriin, ang mga kasong diumano ay kailangang panagutan ni Sen. Trillanes ay matagal nang napawalang-bisa noong pinagkalooban ng amnestiya ni dating Pangulong Noynoy Aquino si Sen. Trillanes at mga miyembro ng Magdalo noong 2010. Ang kaloob na amnestiya ay sinang-ayunan naman ng Kongreso noong 2011. Sa madaling sabi, pawang imbento na lang ang paratang laban sa butihing senador.

Ang katotohanan ay naduduwag na ang gob­yernong ito at hindi na kayang harapin ang tumitinding kritisismo hindi lang mula sa miyembro ng oposis­yon sa gobyerno, kundi ma­ging sa kalakhan ng lipunan. Nauubusan na ng galaw ang admi­nistrasyon kaya inaabuso na nito ang kanilang kapangyarihan upang patahimikin ang mga lumalaban sa mga kabuktutan nito.

Hindi na magiging kagulat-gulat kung hindi pa matatapos kay Sen. Trillanes ang mga abusong ito. Ang kinatatakot ko lang ay baka maging ang mga pangkaraniwang mamama­yan na tumututol sa kabuktutan ng administrasyon ay puntiryahin na rin. Kung ang isang senador nga ay basta-basta na lamang ginigipit, paano pa kaya ang pangkaraniwang Pilipino?

Ngunit kung ina­akala ng administras­yong Duterte na basta na lang mananahimik at manginginig sa takot hindi lang ang oposis­yon, kundi pati na rin ang mga Pilipino, ay nagkakamali ito. Walang piitan ang makapipigil sa pakikibaka ng sambayanan laban sa diktadura, katiwalian, at kasakiman ng mga iilang pilit na kumakapit sa kapangyarihan.