Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DILG: COVID positive suyurin, i-quarantine

0 265

Ikakasa ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabahay-bahay kasama ang mga local government personnel upang suyurin at malaman ang mga residenteng nagtataglay ng COVID-19 infection.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, ito ay dahil hindi na papayagan pang mag-home quarantine ang sinomang indibidwal na mayroong mild o asymptomatic COVID-19 kung walang sariling silid, banyo at may kasamang madaling mahawa sa sakit sa loob ng kanilang bahay.

“Ayaw na po natin mag-home quarantine ang mga positive natin kung wala naman po talagang kapasidad `yong kanilang bahay. Kaya ang gagawin natin, sa tulong ng LGU at PNP ay ibabahay-bahay po natin `yan at dadalhin natin ang mga positive sa ating COVID isolation facilities,” paliwanag ni Año sa press briefing sa Taguig City.

Kasabay nito, hinikayat ni Año ang publiko na agad na i-report sa mga kinauukulan kung may nalalaman silang kapitbahay o kapamilyang nahawa ng virus upang maiwasan pa ang transmisyon nito sa loob ng kanilang tahanan o barangay. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.