Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DILG pinasok kaso ng natsuging pasaway sa curfew

0 278

Ipinag-utos na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na siyasatin ang kaso ng

pagkamatay ng isang sinasabing lumabag at nahuli sa curfew na pinilit umanong gumawa nang halos 300 rounds ng pumping exercise sa Cavite.

Sa isang panayam, sinabi ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na nakipag-ugnayan na sila sa Philippine National Police (PNP) at lokal na pamahalaan ng General Trias hinggil sa insidente.

“Nagbigay na po tayo ng direktiba na imbestigahan agad-agad kung meron bang mga paglabag sa protocol o kaya naman nagkaroon ng irregularidad ‘yong ating mga kapulisan,” saad nito.

Ayon sa mga ulat, si Darren Peñaredondo ay dinakip noong Sabado nang abutin ito ng curfew. Sa poder umano ng pulisya ay pinilit itong gawin ang 300 rounds ng pumping exercise bilang parusa sa kanyang paglabag na itinanggi naman ng mga awtoridad.

Inatasan din ni General Trias, Cavite Mayor Ony Ferrer ang kapulisan na imbestigahan ang insidente.

Ayon sa alkalde, inatasan niya ang General Trias Police na magsagawa ng patas na imbestigasyon.

Siniguro din ng alkalde ang pamilya ng biktima na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang kaanak at masampahan ng kaukulang kaso ang sinumang responsible sa pangyayari.

Matatandaang base sa Facebook post ng pamilya Penaredondo, nahuli sa paglabas sa curfew ang biktimang si Darren noong Huwebes Santo (Abril 1) matapos itong bumili ng tubig.

Ayon sa pinsan ng biktima na si Adrian Lucena, na siyang nag-post sa Facebook, ang mga nahuling quarantine violators ay pinagawa ng 100 push ups, at dapat umanong sabay-sabay itong gagawin ng mga quarantine violator kaya paulit-ulit itong pinagawa sa biktima na hindi umano nakayanan pag-uwi hanggang sa bawian ng buhay. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.