Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DILG, PNP sasampolan mga promotor ng vote buying

0 54

Hinimok ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na huwag matakot isumbong sa mga awtoridad ang anumang nagaganap na bilihan o pagbebenta ng boto sa kanilang mga komunidad para masakote ang mga sangkot dito.

“Kung may nakita tayo na kakaiba, i-report kaagad. `Wag kayong mangimi sa pagrereport at para maaksiyunan natin ora mismo,” sabi ni Año sa isang panayam sa radyo nitong Linggo.

Babala ng kalihim na nagpakalat na sila ng mga awtoridad para magbantay laban sa mga pasaway sa mga ipinagbabawal na aktibidad ngayong halalan.

“Hindi mangingiming mag-aresto ang ating mga pulis kapagka may mga violator kaya winawarningan na natin ano, tapos na `yong pangangampanya starting today May 8 and at the same time din ano, `yong mga mamimili ng boto talagang diretso o huhulihin talaga `yan,” giit ni Año.

SM food to go Banner Ad

Ipinaliwanag ni Año na ang mga binuong anti-vote buying team ng Philippine National Police (PNP) ang mag-iipon ng mga ebidensiya, kukuha ng mga testimonya mula sa mga testigo at bibigyan din ng proteksyon ang nagsumbong o nagreklamo.

“Evidence-based complaints ay aaksyunan at ive-verify ng PNP Anti-Vote Buying Teams at idadaan sa parehong proseso ng pagkalap ng ebidensya,” sabi ni Año.

Isusumite aniya sa Commission on Elections (Comelec) lahat ng makakalap na reklamo o sumbong hinggil sa vote buying at ang poll body ang kusang magsasagawa ng imbestigasyon para sa pagsasampa ng kaso. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.