Abante Tonite Interactive

Dinukot na Chinese, 2 pa nasagip

0 143

Nasa ligtas nang kalaga­yan ngayon ang tatlong biktima umano ng kidnapping matapos silang masagip ng mga tauhan ng Philippine National Police- Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) nitong nakalipas na weekend.

Kinilala ni PNP-AKG Spokesperson P/Lt. Col. Elmer Cereno ang biktimang sina Adora Taberna, Noia Mae Mendoza at Chinese National na si Lilang Qi.

Ayon kay Cereno, unang nasagip ng PNP-AKG si Mendoza na natagpuan sa isang hotel sa Ermita, Maynila nitong Agosto 9, matapos mapaulat na ilang araw na itong nawawala.

Sabado naman, nasagip din ng mga tauhan ng PNP-AKG ang Chinese national na si Qi sa isang Hotel sa Roxas Blvd. sa Maynila nang ikulong umano ito kasama ang tatlo pa niyang kababayan na inaalam pa ang mga pa­ngalan.

Kita rin sa kuha ng CCTV footage, ayon kay Cereno ang ginawang pag-lock umano ng mga suspek sa biktima sa isa sa mga silid ng nasabing hotel.

Linggo naman nang masagip din si Taberna sa isang Inn sa Dagupan City, Pangasinan na tatlong araw nang nawawala matapos dukutin­ sa Caba, La Union dahil sa utang nitong kalahating mil­yong piso na nabigong bayaran sa dalawang lalaking pinagkakautangan.

Pero ayon kay Cereno, duda sila sa kaso ni Taberna dahil nabatid na namomro­blema ito sa pera kaya’t nagbabakasakali itong makahingi sa nobyong Amerikano sa pamamagitan ng ‘Kidnap Me’ modus na patuloy na iniimbestigahan ng pulisya. (Edwin Balasa)