Abante Tonite Interactive

Diokno, Dominguez isinabit sa $1.5B Nayong Pilipino-Landing scam

By
1,045

Inaprobahan umano ng dalawang economic manager ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kontrata ng Nayong Pilipino Foundation sa isang Hong Kong developer para sa pagtatayo ng $1.5B casino theme park, ayon sa sinibak na opis­yal ng Office of the Government Corporation Counsel (OGCC).

Binanggit ni dating government corporate counsel Rudolf­ Jurado sa isang programa ng ABS-CBN News Channel, kahapon, na pinalagan niya ang pagpapatibay ng 75-year contract sa pagitan ng Nayong Pilipino at Landing Resorts Philippines Development Corporation dahil kailangan ang public bidding sa proyekto, alinsunod sa memorandum circular na inisyu ng Governance Commission for GOCCs (GCG).

Subalit tinanggal umano ng GCG at mga ex-officio member na sina Diokno at Domiguez ang bidding requirement sa lease contract noong Enero 2018.

Nagpakita rin si Jurado ng kopya ng memorandum na siyang bumura sa naunang circular na nag-uutos na kailangang magkaroon ng public bidding kapag ang lupang ipaparenta ay higit 10 taon at mas malaki sa isang ektarya.

Matatandaan na sinibak ni Pangulong Duterte si Jurado noong Mayo matapos itong maglabas ng legal opinion upang pahintulutan ang Aurora Pacific Economic Zone na aprobahan ang 75-year permit sa isang casino operator.

Tinanggal din ng Pangulo ang mga opisyal ng Nayong Pilipino noong nakaraang buwan dahil lugi umano ang gobyerno sa kontratang pinasok sa Landing.