Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Director tinalakan ng mga artista

0 61

“Fake friend.” ‘Yan ang tawag ngayon ng mga popular na personalidad na ilang beses nang nakatrabaho ng isang miyembro ng produksiyon na sumisigaw ng action at cut!

Kahit ang kanyang mga kahanay ay isa lang ang komento, pinasikip niya ang kanyang mundo bukod pa sa natatakan siyang peke.

Kuwento ng aming source, “Siya ang pinagpipistahan ngayon sa mga lock-in taping. Maraming naiinis-nagagalit sa kanya. Kung bakit naman kasi kung makapagsalita siya, e, para bang wala siyang kinita sa bakurang pinagtrabahuhan din niya nang mahabang panahon.

“’Yung mga artistang nakatrabaho niya, e, gulat na gulat sa mga sinabi niya. Nakilala raw kasi nilang hindi palasawsaw sa kung anu-anong issue ang taong ‘yun!

“Naku, kung totoong nakakagat ng tao ang dila niya kapag pinagpipistahan siya, e, baka bulol na siya ngayon!” unang hirit ng aming source.

Wala namang direktang tinukoy na network ang nasabing directed by. Pero sa panahong ito na panipis na nang panipis ang mga artista ng pinagsimulan niyang bakuran ay hindi na niya kailangang magpaliwanag.

Patuloy ng aming source, “Ngayon kasi natin makikita ang mga taong marunong tumanaw ng utang na loob. Pandemya ngayon, maraming naghahanap ng trabaho para mabuhay, kaya hindi maiiwasan ang lipatan ng network.

“Malaki o maliit lang ang naitulong sa kanila ng istasyon, ngayon natin matatagpuan ang mga taong marunong magpahalaga sa tulong na naibigay sa kanila.

“Hindi na ito panahon para magpasaring, wala nang parinigan, wala nang personalan dahil iisang mundo lang naman ang kinabibilangan nila! Napakaliit na nga ng mundo nila, e, pinaliliit pa nila!

“Mainit ang dugo ngayon ng isang kilalang female personality sa kontrobersiyal na taong ‘yun! Siya ang naunang tumawag na fake ang namintas sa kanilang istasyon!

“Sweet na sweet daw kasi ng taong ‘yun, pero namemeke lang naman pala! At napakarami palang ginawang serye ng taong ‘yun sa minamaliit niyang network ngayon!

“Sabi nga ng isang male personality na nakatrabaho ng directed by, ‘Saan na napunta ang pasasalamat ng taong ‘yun? May amnesia na ba siya, ano ang nakain niya at ginanu’n niya ang station na pinagtrabahuhan din niya!’

“Isang post lang ‘yun, ha? Pero kaaway niya ngayon ang mga artista ng istasyong pinaringgan niya nang napakasakit!” napapailing na pagtatapos ng aming impormante.

Sharon kinasuhan si Kiko fake news

Walang magulang na may matibay na puso at mahabang pisi ng pasensiya kapag ang sinasaktan na ay ang kanyang asawa at mga anak. Ibang usapan na kapag bukod sa sinasaktan na sila ay sinisira pa ang kanilang imahe at pangalan.

Sinampahan na ng asunto ni Senador Kiko Pangilinan ang dalawang You Tube vloggers na si Starlet at Latest Chika. Ipinaubaya na ng mister ni Sharon Cuneta sa NBI ang pag-iimbestiga kung anu-anong krimen kaugnay sa cybercrime ang nilabag ng mga ito.

Panahon na para matigil ang paglalabas ng mga fake news. Oras na para maihiwalay ng publiko kung ano ang totoong balita at kung ano ang mga inimbento lang para pagkakitaan.

Dalawang buwan pa lang ang nakararaan nang ilabas ng mga vloggers na ito ang pekeng balita na nahuli ng senador ang Megastar na may karelasyong mas bata.

Sa matinding galit daw ng senador ay binugbog niya si Sharon, bugbog-sarado raw ang aktres, ang dahilan kung bakit ito walang kaabug-abog na umalis papuntang Amerika.

Umaksiyon daw si Sharon at ang kanyang anak, nagsampa diumano ng kaso ang mag-ina laban kay Senador Kiko, isang istoryang napakalayo sa katotohanan.

Ayon sa senador ay isang malaking kasinungalingan ang nilalaman ng mga video, walang basehan at ebidensiya, puro imbentong kuwento lang ‘yun para paniwalain ang publiko sa fake news.

Walang ibang layunin ang mga vloggers na mahilig maglabas ng mga pekeng balita kundi ang wasakin ang mga personalidad na pinupuntirya nila.

Tama at napapanahong aksiyon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.