Abante Tonite Interactive

Direktang pakikipag-ugnayan sa mga magsasaka susi sa maayos na pangangasiwa

0 341

Bunsod ng ­hangaring mapataas ang ­moral ng mga magsasaka sa mga lalawigan ng ­Central ­Visayas, ang ­inyong Kalihim ay ­dumalo sa ­Farmer’s Forum na ­ginanap kamakailan sa lalawigan ng Bohol at sunod na dinaluhan ang inagurasyon ng bagong gusali ng National Irrigation Administration (NIA) sa Dao District, Tagbilaran City, Bohol.

Ang forum na ­ginanap sa covered court ng NIA ay dinaluhan ng humigit ­kumulang ­da­lawandaang (200) mi­yembro ng ­Irrigators’ Associations (IA) sa ­Region 7 kung saan tayo ay nagbigay ng ­maikling ­talumpati. Dito ay ­itinuro ng NIA sa mga magsasaka ang mga ­serbisyo at ­programa para sa mga ito ng nasabing ­ahensya upang malaman din ng mga magsasaka ang puwede nilang mapakinabangan sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno.

Ang naturang ­forum ay nagsilbi ring lugar para ipakita ang pinahusay at matalinong pakikilahok ng mga magsasaka at iba pang mga stakeholder sa proseso ng paggawa ng desisyon ng iba’t ibang mga programa at polisiya hinggil sa patubig na ipinatutupad sa kani-kanilang mga lugar.

Ang aktibidad ay idinisenyo upang makalikom ng mas mara­ming suporta mula sa mga katuwang ng ahensya upang mapabilis ang pagpapatupad ng iba’t ibang mga ­proyekto at programa sa mga lalawigan sa Bohol at sa ­buong rehiyon ng ­Central Visayas.

Hinihimok din ­natin ang mga magsasaka na gumamit ng maka­bagong ­teknolohiya at makinarya para tumaas ang kanilang produksyon dahil sa mga bagong kaparaanan lamang mas mapapagaan, mapapabilis at mababawasan ang kanilang gastusin.

Ang mga ­magsasaka o asosasyon ay ­maaaring dumulog sa mga ahensiya ng gobyerno na nagpapautang na walang interes para sila’y magkaroon ng puhunan sa pagpapalawak o pagpapalaki ng kanilang produksyon.

Kinaniig din natin sa pananghalian ang mga magsasaka ­kapiling ang mga opisyal ng NIA, at pagkatapos ay nakipag­pulong tayo sa ­Regional ­Confederation of ­Irrigators ­Association (RCIA) ng Region 7 kasama ang labinlimang (15) direktor ng Federation Board of Directors sa pangu­nguna ni Ireneo P. Leuteiro (president RCIA R7) upang alamin ang iba pang pangangailangan ng kanilang nasasakupan.

Nagkaroon din tayo ng pagkakataon upang ­makatalastasan ang mga lokal na mamamahayag sa Bohol kung saan sinagot natin at nabigyang linaw ang ilang hinaing ng mga magsasaka at kung paano ito mabibigyang katugunan ng pamahalaan.

Ang personal na pakikipag-ugnayan natin sa mga magsasaka at iba pang ­stakeholder ay bahagi ng programa at ­pangako ng admi­nistrasyong Duterte na mapataas ang ­antas ng pamumuhay at ­kabuhayan ng mga nasa ­sektor ng agrikultura sa ­buong bansa, at mailapit ng husto sa kanila ang ating pangangasiwa.