Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Direktor umariba ang kayabangan

0 379

Pinagpipistahan pa hanggang ngayon ang kuwento ng paglundag ng isang direktor sa ibang network. Ngayon na lang naglalabasan ang mga istoryang nu’n pa nakaimbak sa puso ng kanyang mga kasamahan sa trabaho.

Ayon sa kanila ay sumobra naman talaga ang pagpa-power-trip ng nasabing direktor, hindi siya tumatanggap ng pagkakamali, palaging ang mga taong nakapailalim sa kanya ang may kasalanan.

Kuwento ng isang source, “Hindi pa dumarating ang pandemya, mahilig na talaga siyang maghugas ng kamay. Hindi siya nagkakamali kahit kailan, malinis na malinis siya, ang palagi niyang itinuturo, e, ang mga under sa kanya.

“Kapag may kapalpakang nangyayari, magwawarla na siya agad, magpapakita siya ng kapangyarihan niya, never siyang umamin na nagkakamali siya,” unang sultada ng impormante.

Ang pinaghuhugutan ng kaangasan ng direktor ay ang ehekutibong sinasandalan niya. Hindi siya puwedeng galawin sa network dahil nand’yan naman ang pader na humaharang sa kanyang kayabangan.

Patuloy ng aming source, “Pero may nangyari, nagkahiwalay sila, hindi na kinaya ng executive ang mga pinaggagagawa niya. Napakarami naman kasing girlash ng guy!

“Natural, ang position pa rin niya ang ginagamit niya, ‘yun ang hawak niyang trophy, kaya marami siyang nabobola. Mula nu’n, halatado na ng marami na napingasan na siya ng power, pero ang kayabangan niya, umaariba pa rin!

“Napakagaling niyang mangpahiya ng mga under niya, as if naman napakagaling na niya! Nagmumura siya, nagwawala, para lang ipamukha sa lahat na may hawak siyang power!

“Sabi ng mga naiwan sa network, e, kasama lang siya sa ginhawa, pero hindi sa hirap, dahil nu’ng magbawas na ng talent fee ang network, bigla na siyang tumalon sa barko na ang akala siguro niya, e, hindi na uli lulutang!

“Pinariringgan siya ngayon ng mga dati niyang katrabaho, good for him, dahil nagpalutang siya ng tunay na ugali niya. Wala siyang paninindigan!” napakadiing bitiw ng aming source sa kanyang pagtatapos.

Pacquiao lagot sa kalaban

Nagpahayag na si Congressman Lito Atienza na tatakbo sa panguluhan si Senador Manny Pacquiao. Ilang tulog at gising na lang ang presidential election sa 2022.

Ayon sa dating tagapamuno ng Maynila, hindi pa raw kinikilalang Pambansang Kamao at kampeon ng mundo sa boksing si Senador Pacquiao ay ‘yun na talaga ang kanyang pangarap, ang makatulong sa ating mga kababayang naghihirap.

Sabi raw sa kanya ni Senador Manny, “Ang mahihirap ay patuloy na naghihirap at ang mayayaman ay lalong yumayaman.”

Pero ang pahayag ni Congressman Lito ay sinalubong agad ng pagkontra ng mga kababayan natin sa social media. Napamangha sila. Nagulantang.

May isang nagsabi, “Tanggap na nating champion boxer siya, kanyang-kanya ‘yun, pero huwag na sana niyang sakupin ang buong bansa natin. Tama nang nakalusot siya sa laban bilang senador, hanggang du’n na lang sana ‘yun!”

Pero may tinatawag na destiny. Sa pagkapanganak pa lang natin ay nakaguhit na sa ating palad kung ano ang magiging kapalaran natin.

Walang nag-isip na magiging senador ang Pambansang Kamao. Lalong wala sigurong nag-iisip ngayon na uupo siyang pangulo ng ating bayan.

Ilalabas ng kanyang mga kalaban ang kahinaan ni Pacman. Paniguradong bubutasan siya ng kanyang mga makakaagawan sa pinakamataas na posisyon sa bansang ito, inaasahan nang magaganap ang pambabato ng putik sa kanyang pangalan at kakayahan.

Pero paano nga kung nakadestino pala siyang maging pangulo? Paano kung ‘yun ang tinatahak niyang landas?

May nakakokontra ba sa destiny?

Leave A Reply

Your email address will not be published.