Abante Tonite Interactive

Disinfection, sanitation scam isumbong sa PNP

543

Pinag-iingat ang publiko laban sa mga scammer na maaaring samantalahin ang kasalukuyang sitwasyon na nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang Luzon.

Nitong Biyernes nagbabala sa publiko si Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Guillermo Eleazar laban sa mga taong sangkot sa disinfection at sanitation scam.

Si Eleazar ang commander ng Joint Task Force Coronavirus Shield.

Ayon sa opisyal, national government at mga local government unit lamang ang puwedeng magsagawa ng disinfection at sanitation sa harap ng kinakaharap na banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

“The public must be very discerning and alert on such scams being perpetuated and they must report to authorities unscrupulous persons or groups doing such illegal actions,” ayon kay Eleazar sa media statement na inilabas nitong Biyernes.

Kasabay nito, hinimok ng heneral ang publiko na agad isuplong sa pulisya ang mga taong nag-aalok ng disinfection at sanitation service na may kapalit na kabayaran.

Nagbigay din ang PNP ng mga hotline number nila na maaaring pagsumbungan ng publiko: Joint Task Force CV Shield Command Center, PNP Command Center Globe: 09173125626; Smart: 09988940013; Landline: 7253176 and Email: PNP2019nCoVARRopns@gmail.com. (PNA)