Abante Tonite Interactive

Disiplina

2,695

Lagi nating naririnig na sa ikauunlad ng ba­yan, disiplina ang kailangan. Pinauso ito ni dating Pangulong Ferdinand Marcos at naging slogan nung panahon ng Martial Law.

Para sa akin, disiplina ang isa sa pinaka­mabisang solusyon para mapaluwag ang traffic sa mga kalsada. Kung may disiplina lang ang Pinoy drivers, hindi sana magkakabuhul-buhol ang trapiko, at mas maaga sana tayo makakarating sa gusto nating puntahan.

Pero papano ba natin madidisiplina ang ating mga sarili?

Dalawa ang kela­ngan para sa disiplina, at ito ang laging itinuturo ng misis kong si Cel sa kanyang mga estu­dyante sa eskuwela — ang logical consequence at ang consistency.

Ibig sabihin ng lo­gical consequence ay kelangan may katumbas na resulta ang isang aksiyon at dapat ang resultang ito ay naayon sa batas ng logic.

Halimbawa, kapag gumawa ka ng masama, dapat maparusahan ka. At kapag gumawa ka ng mabuti, dapat bigyan ka ng gantimpala.

Sa disiplina ay ganyan din. Kailangan may parusa ang paglabag sa batas trapiko.

Kailangan may logical consequence kapag pasaway ka sa kalsada.

At kailangan consistent ang pagdidisiplina. Ibig sabihin, pag mali sa isa, dapat mali rin sa iba. At pag pinarusahan ang isa, dapat parusahan din ang iba.

Kaya hindi nadidisiplina tayong drivers ay dahil alam natin na puwede tayong makalusot sa parusa, at alam din natin na hindi naman consistent ang mga nagpapatupad ng batas.

Seryosohin lang natin ang panghuhuli sa mga traffic violators at ma­ging consistent lang tayo, madidisiplina rin natin ang mga Pilipino.

* * * *

Isa sa pinakadisiplinadong bansa pagdating sa pagmamaneho ay ang Japan. Pero alam n’yo ba na hindi sila nagsi­mula na ganun na agad? Hindi rin sila disiplinado dati. At ang pagiging disiplinado nila ay nag-umpisa lang matapos ang World War II.

Papaano nila ginawa ito? Sinimulan nila sa oras. Pinauso nila ang Japanese Time — hindi huli at hindi maaga. Eksakto palagi. Nung nasanay na ang tao sa Japanese Time, madali nang naituro ang ibang aspeto ng disiplina.

Sana magsimula rin tayo sa ating oras. Baguhin na natin ang Filipino Time na laging huli.

* * * *

Email: junep.ocampo@gmail.com