Abante Tonite Interactive

Diskarte mga momshies

By
1,040

Wish lang natin na sana kasabay nang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo ay ang pagtaas naman ng suweldo.

Mas okay sana ‘yun kasi kahit sabihin na tumaas ang take home pay ng mga empleyado dahil sa pagbaba ng tax, parang hindi pa rin sapat.

Napakahirap at nakakalungkot i-budget ang perang pinagpaguran mo na halos wala nang ibang pinuntahan kundi pambayad sa mga gastusin.

Parang dumadaan lang literal ang suweldo sa kamay mo para iabot sa ilaw, tubig, cable, telepono, at iba pang mga service provider.

Sa panahon ngayon, talagang lahat ng paraan para makatipid ay dapat mo nang gawin. Hindi naman uubra na sakto lang ang pera mo lalo na kung may anak kang binubuhay.

Hindi mo masasabi kung kailan biglang may gastos na darating kaya mainam na may pera ka for emergency purposes.

Patuloy na tumataas ang cost of living ng mga tao ngayon. Napakahirap na mag-ipon.

Sa totoo lang, ‘yung tubig at kuryente lang naman ang talagang importanteng mayroon ang isang bahay. ‘Yung iba kasi pinipili mo na lang na magkaroon upang mas maging convenient ang buhay.

Buti na nga lang at ang presyo ng tubig pansamantalang magro-rollback sa susunod na buwan.

Ang presyo ng kur­yente, bagama’t tumaas, nakakatuwa naman ang balitang nagkusang loob ang Meralco na hindi ipa­tupad nang buo ang dagdag singil ngayong buwan.

Kung hindi ako nagkakamali, dalawang magkasunod na buwan na itong ginagawa ng Meralco dahil noong Marso, nagdesisyon din silang gawin ito.

Siguro kahit tumataas ang mga bilihin pero kung ang mga kompanya at mga negosyante naman ay nagmamalasakit sa mga konsyumer gaya ng Meralco, hindi siguro magiging ganoon kahirap para sa mga konsyumer ang pagbabayad ng mga serbisyo at iba pang bilihin.

Kung iisipin, ang numero unong dapat na umaalalay at nagmamalasakit sa ating mga kons­yumer ay ang gobyerno.

Alam naman nating isa tayo sa may pinakamahal na presyo ng kur­yente hindi lang sa Asya kundi sa buong mundo.

Kaya sana naman, isa sa tutukan nila ay ang pagpapababa ng presyo ng kuryente. Dapat dagdagan ang mga supplier o generator para bumaba ang presyo.

Kailangan ng karagdagang mga planta. Ang presyo ng kuryente ngayong buwan na tumuntong na sa P10.32 kada kilowatt hour ay sumabay pa sa panahon na inaasahang tataas ang konsumo ng mga tao dahil sa init ng panahon.

Kung mas darami pa ang planta, tumaas man ang presyo ng kuryente, hindi siguro ganito katindi ang epekto. Hindi sana ganoon kahirap para sa atin.

Bilang konsyumer, ang tanging magagawa na lamang talaga natin ay ang magtipid sa pagkonsumo ng kuryente.

Mainit ngayon pero pilitin na bawasan ang oras ng paggamit ng aircon. Maaari rin buksan ang aircon ng panandalian at kapag lumamig na ang kwarto ay patayin na ito at bentilador na lamang ang buksan.

Huwag hayaang nakasaksak ang mga appliance kung hindi pa naman ito ginagamit. Mainit naman ang panahon, huwag nang gumamit ng dryer sa pagpapatuyo ng mga damit.

Ugaliing patayin ang ilaw sa mga kwarto na walang tao. Kung maliwanag pa, huwag din ito agad buksan.

Kung may ekstrang budget, mas makakatipid kung bibili na lamang ng inverter type na applian­ces dahil ‘di hamak na mas matipid ito sa konsumo.

Hay! Sa panahon nga­yon kung saan maitutu­ring na special skill na ang pagba-budget dahil sa hirap ng buhay, kailangan sabayan na ng talino at diskarte ang pagtitipid.