Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Diskarte vs pandemya ilalatag sa Marcos team

0 33

Makikipagpulong sa susunod na linggo ang transition team ng Department of Health (DOH) sa mga kinatawan ng bagong administrasyon para ilahad ang mga pangunahing programa ng pamahalaan lalo na sa paglaban sa COVID-19.

Sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na iisa-isahin nila ang mga dapat iprayoridad na programa para sa kapakanan ng mamamayan.

“Nabuo na po ang transition team ng DOH. Magkakaroon kami ng mga meeting by next week kung saan ilalahad natin diyan, iisa-isahin natin ang mga priority program natin para po maihanda natin para sa darating na administrasyon,” ani Vergeire.

Nauna rito, naglabas ang Office of the President ng administrative order para bumuo ang lahat ng ahensiya at departamento ng gobyerno ng transition team upang maging maayos ang pagsasalin ng trabaho sa bagong administrasyon ni presumptive president Ferdinand Marcos Jr.

Umaasa ang DOH na ipaprayoridad pa rin ng papasok na administrasyon ang pagtugon sa problema sa COVID lalo na sa pagbabakuna para sa proteksiyon ng mga Pilipino laban sa mabagsik na virus.

Nagpasalamat naman si Vergeire sa mamamayan sa patuloy na pakikiisa sa gobyerno para labanan ang COVID kaya bumababa na ang mga kaso ng nagkakasakit.

“Gusto lang ho nating magpasalamat sa ating mga kababayan sa patuloy na pakikiisa sa gobyerno para labanan ang COVID-19,” ani Vergeire. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.