Diskriminasyon sa mga frontliner aaksyonan

641

Maglalabas ng mas matapang na mga panuntunan ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) laban sa mga gumagawa ng diskriminasyon at pananakit sa mga frontliner, particular ang mga health care worker na pangunahing humaharap sa mga COVID-19 patient.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles na nakarating na sa IATF ang mga report laban sa ginagawang diskriminasyon sa mga health care worker kaya ito ang isa sa mga pag-uusapan sa pulong nitong Lunes.

Nakakadismayang mabatid aniya na sa kabila ng sakripisyo ng mga frontliner para sa kaligtasan ng publiko ay mayroon pa ring mga taong makikitid ang isip.

“Hindi pupuwedeng gawin `yang ganyang klase ng diskriminasyon, bawal po `yan. Ito ang isa sa pag-uusapan namin sa IATF, siguro kailangan ang mas matapang na lengguwahe at guidelines. Ito ang ilalabas namin pagkatapos ng meeting namin,” ani Nograles.

Umaapela na rin ang Philippine Nurses Association (PNA) sa gobyerno na tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga miyembro dahil sa mga nararanasang harassment mula sa mga taong hindi masyadong naiintindihan ang kanilang ginagawa.

Nais din ng PNA na parusahan ang mga gumagawa ng pananakit sa kanilang mga miyembro.(Aileen Taliping)

Tonite – Wendys Inhouse Ad
Comments
Loading...