Abante Tonite Interactive

Dismayado ang Pangulo

0 163

May shocking ­kayang matuklasan ang NBI sa kaso ng pinatay na ma­yor? Parang tag-team sa wrestling ang takbo ng imbestigasyon sa ­daring ambush na ginawa sa pinaslang na alkalde ng Clarin, Misamis ­Occidental na si David Navarro.

Sa isang pagtitipon, sinabi ng pangulo na nahihirapan siyang maghanap ng ipapalit sa nagbitiw na si Phi­lippine National Police chief General Oscar Albayalde. Bakit kaya nahihirapan ang pangulo?

Sa listahan ng inirekomenda ni Local Government ­Secretary Eduardo Año, ang ­tatlong kandidato sa puwesto eh sina ­Police Lieutenant General Camilo Pancratius Cascolan, Police ­Major General Guillermo ­Eleazar, at Police Lieutenant General Archie Francisco Gamboa, na OIC-PNP Chief ngayon.

Dahil sa isyu ng “­ninja cops,” mukha nga ­talagang dismayado si President Mayor Digong sa mga pulis na nasasangkot sa mga kalokohan kahit pa tinaasan na ang kanilang suweldo, as in sayang ang effort ng Pangulo na mapatino ang mga ito.

Balik tayo kay ­mayor Navarro, hapon ng ­Oktubre 25 nang tambangan ang alkalde habang nasa police mobile sa Cebu City para dalhin sana sa piskalya. Bago kasi ang ambush, nasangkot sa gulo itong alkalde sa isang masahihan nang saktan daw niya ang isang lalaking masahista.

Ang resulta, ­inaresto siya at ikinulong ng mga pulis sa Cebu City kahit pa isa siyang ­alkalde. Tanong ng ating kurimaw, kung hindi kaya ­nasangkot sa pananakit si mayor sa isang masahista, ­buhay pa kaya siya ngayon at hindi ­na-ambush?

Kung tutuusin, marami na rin namang suspek ang namatay sa kostudiya ng mga pulis pero ­kakaiba itong nangyari kay mayor Navarro. Unang-una, mayroon naman siyang security ­escort habang dinadala sa piskalya, at isa pa, aba’y mayor siya. Kaya naman masasabing ­ma­tindi ­talaga at ­sobrang malakas ang loob ng mga nasa likod ng ­pananambang sa kaniya.

Bukod kasi na may mga kasamang pulis si mayor, aba’y naka-bullet proof vest pa siya at daanan talaga ng mga sasakyan ang lugar na pinangyarihan ng ambush at hindi liblib. Kaya naman nang harangin ng mga salarin ang police mobile na kinaroroon ni mayor, hinatak siya palabas at saka niratrat. Ang mga kasama niyang pulis eh wala nang nagawa.

Mahirap magbigay ng opinyon at tanungin kung bakit hindi nakaporma ang mga pulis na kasama ni mayor. Aba’y kahit sino naman sigurong nandoon eh tiyak na hindi basta-basta makakakilos kapag naunahan ng mga kalaban. Pero nalaman ba kaagad ng mga salarin na naka-bullet proof vest siya kaya pinalabas muna siya ng sasakyan?

Dahil nga hindi nakapalag ang mga pulis na kasama ni mayor, nais ngayon ni President mayor Duterte na ipaubaya na ang imbestigasyon sa NBI para daw maging patas. Sabagay, papaano nga naman kung pulis din pala ang nasa likod ng pagpaslang kay Navarro, baka mahirapan ang mga magsisiyasat na pulis na kasuhan ang mga kabaro nila.

Ang mga kaanak nga ni Navarro, tila nawawalan na ng pag-asa na malulutas ang pamamaslang sa alkalde lalo pa’t kung saan-saan grupong kriminal iniuugnay ang biktima. Dati kasing napasama si Navarro sa narco-list ni Duterte pero itinanggi ang alegasyon at nakipagpulong na rin sa pangulo.

Kamakailan naman, idinidikit ang pangalan ng pinaslang na alkalde sa isang robbery-holdup group, na itinatanggi naman ang kaniyang mga kaanak.Abangan ang susunod na kabanata. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”