Abante Tonite Interactive

Dismayado sa Maynilad

408

Nitong nakaraang weekend, may ilang kurimaw tayo na parang bigo sa pag-ibig na naglabas ng saloobin tungkol sa ginagawang pautay-utay na suplay ng tubig ng Maynilad sa kanilang mga kostumer.

Unahin natin ang reklamo sa Maynilad dahil marami-rami tiyak ang apektado sa ginagawang ‘fine tu­ning’ kuno sa distribusyon nila ng tubig sa kanilang mga kostumer dahil sa pagbaba ng tubig sa Angat.

Nilinaw naman ng ating mga kurimaw na wala silang reklamo kung magkaroon ng oras na walang papatak na tubig sa kanilang mga gripo kung kailangan naman tala­gang gawin. Ngunit ang hindi nila maunawaan, bakit kailangan itaon ang oras na putol ang suplay ng tubig sa oras na papasok ang mga tao sa trabaho o eskuwelahan.

Halos pareho-pareho ang paliwanag ng ating mga kurimaw, hindi biro na mawalan sila ng tubig mula 4:00 pm hanggang 6:00 am kinabukasan. Kahit sumunod pa sila sa mga payo na mag-ipon, sadyang kukulangin daw ang ipon nila dahil wala naman silang swimming pool na puwedeng pag-imbakan.

Mabuti raw sana kung mamimigay ng lib­reng drum ang Maynilad eh kaso hindi. Simple lang ang pakiusap ng ating mga kurimaw, huwag naman patayin ang sup­lay ng tubig sa oras na naghahanda ang mga tao sa pagpasok sa mga trabaho at pagpasok sa eskuwelahan ng mga bata.

May katwiran naman ang pakiusap. Marami sa mga nagtatrabaho o mga magulang na 4:00 am palang eh gising na para maghugas ng mga pinggan na hindi nahugusan sa gabi dahil walang tubig. Ang mga aalis, gigising ng 5:00 am para maligo at umebak. Papaano kung marami sila sa bahay? Wisik-wisik na lang.

Kaya pagsapit ng 6:00 am kung kailan magkakatulo na sa gripo, aba’y paalis na sila para hindi ma-late sa trabaho at klase kahit maantot ang kanilang kili-kili o kaya naman hindi lubos na nakapaghugas ng kuwan dahil nagtipid sila sa tubig.

Hindi naman kailangan ang talino sa kanilang pagtatakda ng ‘fine tuning’ sa distribusyon ng tubig. Ang kailangan lang ay konsiderasyon at konting common sense na maraming gumigi­sing nang maaga para magtrabaho at mag-aral kaya dapat agahan ang bigay ng tubig.

Kung 4:00 pm nila pinapatay at ibabalik ang tubig ng 6:00 am kinabukasan, bakit hindi nila putulin ang sup­lay ng 2:00 o 3:00 p.m at ibalik nila ng 4:00 o 5:00 am? Hindi lang sa Maynilad, kundi ma­ging ang ibang kompanyang nagpa-fine tuning kuno ay dapat isipin ang kapakanan ng mga kostumer nila.

Pag-usapan naman ang himutok ng isa nating kurimaw na nagsabing parang ‘nagoyo’ raw siya ng mga lumabas sa mga balita at social media na maluwag na sa Maynila dahil kanda-ipit sa traffic papuntang Recto at Divisoria.

Moral lesson ng ating kurimaw, ‘wag basta-basta maniniwala sa nakikita at nababasa sa media at sa social media. Ika nga, expectation vs reality. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”