Abante Tonite Interactive

Disyembreng malungkot

666

Mahirap talaga kapag malayo sa pamilya at magpa-Pasko. Nami-miss mo ang mga reunion, Christmas party, bigayan ng regalo, karaoke, at ang nakakabundat na Noche Buena.

Mabuti na lang at may internet na – puwedeng mag-video call at mag-chat. Pero iba pa rin ang nayayakap mo at nakikita nang personal ang iyong mga mahal sa buhay.

Marami sa ating mga kababayan sa abroad ang nakakaranas ng matin­ding depression kapag sumasapit ang Pasko at hindi sila nakakauwi. Mabuti sana kung may mga kaibigan silang Pilipino na puwede nilang makasama para mag-party. Paano kung hindi sila pinayagan ng kanilang boss o hindi nagdi­riwang ng Pasko ang kanyang mga kasama?

Kadalasang mga naglalayag sa barko ang nakakaranas ng matinding depression kapag Pasko. Ayon kay Dr. Ruth Bordado, psychiat­rist ng National Center for Mental Health, karamihan sa mga nagpapatingin sa kanya pag-uwi ng Pilipinas ay mga marino.

Ang kuwento ni Dr. Bordado, ang mga nagtatrabaho sa oil tankers ang pinakatinatamaan ng dep­ression. Tuloy-tuloy kasi ang paglalayag ng mga ito, at madalas na walang signal ng internet o cellphone sa gitna ng dagat. Sa kanilang hangarin na makalimutan ang kalungkutan, maaaring sila ay maging mangi­nginom ng alak o mag-take ng drugs.

At hindi humihinto ang kanilang problema sa matinding kalungkutan kapag sila ay nakauwi na. Maaari kasing sa tagal na hindi nagagamot ang kanilang depression, puwedeng ito ay magkaroon na ng psychosis – nahihiwalay na ang realidad sa kanilang iniisip lamang.

Maaari silang makarinig ng iba’t ibang boses, o pakiramdam na parang may aatake sa kanila. Maaari ring hindi maialis sa kanyang isipan na may nanloloko sa kanya, tulad ng asawang pinag-iisipang may ibang ka-affair. Ito ay tinatawag na delusion of jealousy.

Malaking bahagi rin ng depression ang stress. Hindi lamang ang trabaho ng OFW ang nakaka-stress sa kanya, mas lalo na ang walang tigil na panghi­hingi sa kanya ng mga nandito sa Pilipinas. Nape-pressure ang OFW na magpadala ng higit pa sa regular na padala kapag siya ay tinatawagan ng mga umaasa sa kanya.

Mahirap kapag hindi natugunan ang problema sa depression dahil maaaring maging sanhi ito ng pagpapakamatay. Ang payo ni Dr. Bordado, bantayan ang nakakaranas ng depression kung nawawalan na ito ng mga interes sa kanyang regular na ginagawa, hindi makatulog, hindi makakain o sob­rang kumain.

Tingnan kung biglang nagbabago ang kanilang mood – mula sa pagiging malungkot, biglang kakalma, biglang magiging masaya at biglang magagalit. Pakinggan ang kanilang mga sinasabi lalo na kung laging nababanggit na gusto na niyang mamatay.

Kausapin sila lagi, hindi para hingan ng pera o pasalubong, kung hindi para kumustahin at kuwentuhan ng masasayang pangyayari sa buhay. Huwag ding balewalain ang kanilang nararamdaman. Pasayahin ang Pasko ng ating mga bayaning OFW.