Abante Tonite Interactive

Diumano’y water shortage

By
0 173

Sa Martes, eeksena na ang Senado para imbestigahan ang umano’y kakapusan ng supply ng tubig sa east zone ng Metro Manila na sakop ng Manila Water.

Sa Senate Resolution 1028, sinabi ni Senate President Tito Sotto, dapat malaman sa Senate hearing kung ano ang tunay na dahilan ng water shortage.

Sabi ni Sotto, papaano maipaliliwanag ng Manila Water na umabot na sa water crisis ang east zone gayung normal naman ang operasyon ng Maynilad sa west zone.

Ayon kay Sotto, baka puwede rin ikunsidera na ibalik sa gobyerno ang ope­rasyon ng water services sa Metro Manila dahil noon hindi pa aniya deregulated, maganda naman ang serbisyo ng MWSS at hindi umabot sa krisis ang supply ng tubig.

Pero sabi nga, hindi magaling na ma­nager ang gobyerno sa mga public utilities tulad ng water and power at baka lalong magkaroon ng problema kung ipauubaya sa pangangasiwa ng pamahalaan.

Sa report ng Pag-asa, nasa normal level pa ang water level sa Angat Dam na 199.63 meters at malayo pa ito sa 180 meter critical mark.

Sabi ni Senator Grace Poe, chairman ng Senate Committee on Public Services, “malaki ang dapat ipaliwanag ng Manila Water. Three weeks ago walang abiso at hindi ramdam na magkukulang ang tubig. Tapos bigla na lang magigising ka na wala na? Tama ba naman ‘yun?”

Malinaw na may pagkukulang sa panig ng Manila Water. Kulang sa foresight o talagang sinadya para ma-justify sakaling totoo ang plano na magtataas ng singil sa tubig.

Sa Senate hearing maganda na ipara­ting ang ilang concern ng mga apektadong customers ng Manila Water:
1. Ano ang pananagutan ng Manila Water sa perwisyo sa kanilang mga customer?

2. Dapat na bang isulong ang class suit ng libo-libong residente na apektado ang trabaho at negosyo dahil sa kawalan ng serbisyo ng tubig?

3. Ibabawas ba ng Manila Water sa monthly bill ang ilang araw na pagkawala ng serbisyo ng tubig sa maraming lugar sa east zone?

4. Dapat ipakita ang libro dahil bil­yones ang kinikita ng Manila Water pero walang mga bagong infrastructure para mapabuti ang serbisyo sa kanilang customers.

5. And worst, kung mapatunayan na artificial lang ang water shortage, ano ang pinakamabigat na kaso na ipapataw sa Manila Water?

Isa sa mga binabanggit kaya pinagdududahan ang water shortage ay para magkaroon ng dahilan na ituloy ang proyekto sa Kaliwa Dam na popondohan ulit ng China.

Ang Kaliwa Dam na nagkakahalaga ng P18.7-billion ay itatayo sa Quezon province at pinaniniwalaang makareresolba sa looming water crisis sa buong Metro ­Manila.

Hindi kasi masimulan ang construction ng Kaliwa Dam dahil tutol ang mga indigenous people na maa­apektuhan ng natu­rang proyekto.

Bukod dito, hindi pa nare-release ng DENR ang environmental clearance certificate sa MWSS kahit nakapag­labas na ng P565M initial fund na gagamitin ng DPWH para sa road construction.

Dahil pinalalabas na nasa krisis na ang problema ng supply ng tubig sa east zone na sakop ng Manila Water baka nga mapabilis ang pagsisimula ng proyekto ng Kaliwa Dam kung masesentro sa isyu ng water crisis at hindi ang kuwestiyunableng loan agreement sa China at pagtutol ng mga katutubo sa Quezon province.