Abante Tonite Interactive

Divina, 20 UST-Aegis Disbarment nalalapit na!

By
0 4,831

Sinimulan na ng Supreme Court (SC) ang proseso para sa disbarment o pagsibak bilang abogado laban kay University of Santo Tomas (UST) Faculty of Civil Law Dean Nilo Divina at 20 iba pang miyembro ng Aegis Juris fraternity kaugnay sa cover-up sa pagkamatay ng freshman law student na si Horacio Tomas ‘Atio’ Castillo III.

Base sa abiso ng SC en banc na ipinadala sa tanggapan ni Senador Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri, binigyang-diin na itinuturing na bilang reklamo ang sulat na ipinadala ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson para sa motu proprio action sa mga miyembro ng Bar na sinasabing sangkot sa cover-up.

Bukod kay Divina, kasama sa reklamo ang mga abogadong sina Marvi Abo, Alston Kevin Anarma, Edzel Bert Canlas, Cecilio Jimeno, Ferdinand Rogelio, Eric Fuentes, Cesar Ocampo Ona, Gaile Dante Caraan, Gem Dimaculangan, Alfonso Verzosa, Henry Pablo Jr., Jet Villaroman, Cesar dela Fuente, Nino Kjell Servanez, Manuel Angelo Ventura III, Michael Vito, Arthur Capili, Irvin Joseph Fabella, Edwin Uy at Allan Christopher Agati.

Sa abiso na pirmado ni Clerk of Court Felipa Anama, binigyan ng SC en banc sina Divina ng 10 araw para sumagot sa reklamong i-disbar sila.

Nakasaad din na bibigyan ng kopya ng reklamo at ng mga attached document ang Civil Service Commission maging ang Development Bank of the Philippines para sa kanilang mga kaukulang aksiyon sa mga tauhan nilang sina Atty. Gaile Dante Acuzar Caraan at Atty. Henry Pablo Jr.

Una nang inirekomenda ng Senate committee on public order and dangerous drugs na nagsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Castillo na i-disbar ang mga abogadong miyembro ng Aegis Juris na nagtangkang pagtakpan ang kaso batay sa mga nakitang chat messages ng kanilang grupo.