Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Divisoria sinuyod sa pekeng Louis Vuitton

0 51

Dahil sa reklamong natanggap mula sa French luxury brand na Louis Vuitton (LV), ni-raid ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Intellectual Property Rights (NBI-IPR) ang ilang tindahan sa Ilaya, Divisoria sa Maynila kahapon.

Ayon kay Supervising Agent Dan ignacio, 13 puwesto ang kanilang sinalakay pasado alas-dos ng hapon sa matapos isumbong ng LV ang mga naglipanang peke nilang produkto sa nabanggit na pamilihan partikular na ang mga tela. Ibinebenta umano ang mga tela ng halagang P150 kada kilo sa mga mananahi, na siya namang gumagawa ng mga pekeng LV face mask.

May 50 rolyo ng tela na may pekeng logo ng LV ang nasamsam. Inaalam pa ng NBI ang halaga ng mga ito habang inihahanda naman ng NBI ang pagsasampa ng kaso laban sa mga may-ari ng puwesto na nakumpiskahan ng mga tela.

Mahaharap ang mga may-ari ng mga tindahan sa kasong trademark infringement, na may parusang pagkakulong ng dalawa hanggang limang taon at kaukulang multa. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.