Abante Tonite Interactive

Divorce bill hindi para sa lahat ng mag-asawa

460

Hindi para sa lahat ang panukalang absolute divorce na inihain sa Kamara at hindi ito maaaring gawing moro-moro na lamang ng sinomang mag-asawa na gustong maghiwalay.

Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, isa sa mga pangunahing nagsusulong ng divorce bill, maisabatas man ang naturang panukala ay hindi ito applicable para sa lahat ng mag-asawa na gustong maghiwalay.

“Kahit maisabatas ang panukala hinggil sa absulute divorce, tuloy pa rin ang mandato ng estado na bigyan ng proteksiyon at pag-aruga ang kasal ng mag-asawa at kanilang pa­milya ngunit obligasyon din ng estado na bigyan ng sapat na lunas ang mag-asawa na kasal na gumuho na at wala nang pag-asang maayos, in other words, itong absolute divorce ay hindi para sa lahat, ito’y exceptional cases lamang,” paliwanag ni Lagman.

Aniya, dagdag na opsyon lamang ang panukala sa mga dati o kasalukuyang umiiral na batayan para sa paghihiwalay ng isang mag-asawa tulad ng annulment, legal sepa­ration at nullification base sa psychological incapacity na nasa Family Code at dinagdagan lang nila.

Malaki umano ang pagkakaiba ng divorce bill at sa annulment pagdating sa basehan. Sa annulment, ang basehan ay iyong mga “causes before and in course of marriage” habang sa diborsyo, “cause after the marriage” tulad ng domestic violence, marital infidelity, at abandonment.

Paglilinaw pa ni Lagman na magiging mahigpit din ang husgado sa paghain ng petisyon para sa absolute divorce dahil maghihintay ng anim na buwang ‘cooling-off period’ para tangkaing ayu­sin ng korte ang hindi pagkakaunawaan ng mag-asawa kung maaari pa.

“Ang government prosecutor ay binigyan ng obligasyon na tingnan kung mayroon sabwatan o moro-moro ang parties, hindi puwedeng moro-moro lang sila dahil ang mandato ng estado ay bigyan proteksiyon ang institution ng marriage and the family,” dagdag ni Lagman. (Eralyn Prado)