Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DIY trip o exclusive na tour?

0 65

Tulad ko rin ba kayo na nagpaplanong makahabol pa ng lakwatsa ngayong tag-init, matapos ang kahindik-hindik na resulta ng eleksiyon?

Baka may teknik kayo o alam na paraan para makahanap ng magandang resort na tahimik, pambarkada o pampamilya at siyempre swak sa badyet. Medyo mahirap na kasing makapag-book ngayon.

Lahat na ng tinanungan kong resort sa bandang Laiya beach sa Batangas ay mga fully booked na ngayong Mayo at sa Hunyo na uli magkakaroon ng available na schedule. Ganito rin ang mga natanungan ko sa Zambales.

Talaga ngang hindi na iniinda ngayon ang pandemya dahil tila kulang pa ang ilang araw na bakasyon noong Semana Santa para makabawi ng gala o pagre-relax sa labas ng bahay ang ating mga kababayan.

Kitang-kita na sabik na ang lahat na makabiyahe o makaligo sa beach para mapuno muli ang kani-kanilang Instagram ng vacation mode na mga larawan, matapos ang higit dalawang taon ng mga restriksiyong dulot ng pandemya.

May isa akong kaibigan na nagrekomenda na subukan ang nauuso ngayong mga DIY trip o do-it-yourself na pagta-travel o kaya ay mga joiner tour.

Sa DIY trip, maaari kang makahanap ng mga sample itinerary mula sa isang Facebook group kung saan nagpo-post ang mga adventurous na taong gustong ibahagi ang kanilang naging biyahe.

Habang sa pagiging joiner naman ay may organizer na bubuo ng travel at mag-aaya ng mga gustong sumali na kadalasan ay binubuo ng 8 hanggang 10 depende sa gagamiting sasakyan at sa pupuntahang lugar.

Para sa kagaya kong kabisado na ang halos lahat ng major road at lusutan sa buong Pilipinas, e swak ito dahil hindi naman ako malilito kung saan ang magagandang daan o tambayan at kainan. Pero kung kasama mo ang pamilya o kaya ay mga kaopisina, baka hindi ito kasing saya.

Tingin ko sa mga ganitong lakad, mas maayos pa rin ang pribadong biyahe kung kayo-kayo sa grupo ang magkakasama. Sa karanasan ko gamit ang pogi kong GL Grandia, mas masarap talaga ang road trip o kaya ay pagpunta sa beach kapag kontrolado mo ang lakad.

Ikaw ang magpaplano ng lugar na pupuntahan, tatawag sa mga resort, mag-iisip ng mga kakainin o dadalhing inumin, at siyempre, ikaw din ang responsable sa sarili at sa mga kasamahan mo.

‘Yon nga lang, sa pagkakataong ito na punuan ang mga magagandang resort kailangan mo ng rekomendasyon mula sa iba. Kaya, baka ikaw may alam ka? Pwede mong i-tweet lang sa akin.

Ayos ba?

Leave A Reply

Your email address will not be published.