Abante Tonite Interactive

Diyos ka ba?

1,438

Sa kagustuhang makabalik na ang kanyang mga nasasakupan sa kanilang mga tahanan, binanatan ng isang bise alkalde sa Batangas si Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) director Renato Solidum dahil sa mga babala nito hinggil sa pa­nganib ng mas malakas pang pagsabog na maaaring maganap sa Bulkang Taal.

Trending kahapon sa social media ang mga sinabi ni Talisay Vice Mayor Charlie Natanauan sa pa­nayam ng himpilang dzMM kung saan binatikos nito si Solidum at sinabihang dapat magpalit ng kanyang ‘opinyon’ tungkol sa kalaga­yan ng bulkan.

“Masyado niyang ano e, sabi niya mas malakas ang puputok na susunod, nag-iipon lamang. Opinyon niya ‘yun. Nag-iisa siya sa kanyang opinyon. Kami buong Batangas ang naapektuhan sa kanyang sinasabi. Pag-aralan niyang mabuti,” ayon kay Natanauan.

Nagpahayag din ng pagdududa si Natanuan sa mga babala ni Solidum at sinabing hindi nga nito na-predict ang pagbuga ng abo ng Bulkang Taal noong Linggo, Enero 12.

“Wala pang nakapag-predict sa buong mundo kahit scientist sa pagputok ng bulkan…Bakit naman nasabi niya, siya ba ay Diyos?” sabi ni Natanuan.

Matatandaang una nang ipinahayag ng Phivolcs na hindi sila nagkulang ng babala hinggil sa kondis­yon ng Bulkang Taal na simula pa noong Marso 2019 ay kanila nang inilagay sa Alert Level 1 dahil sa naobserbahang kakaibang aktibidad nito.

Binash ng mga netizen si Nata­nauan dahil sa mga sinabi nito.

“Monday pa lang but I’m already nominating this guy “Newsmaker of the Week,” tweet ng journalist na si Cathy Cañares Yamsuan.

“Noong magsabog ang Diyos ng katangahan….Nasalo niya lahat,” ani Dan Santos. Tanong pa nito kung bakit umano naging bise alkalde ito.

“My Goodness gracious…people perish for lack of knowledge,” sabi ni Rj Ruiz.