Abante Tonite Interactive

DMCI-Consunji condo sa Metro Manila imbestigahan

568

Umaalma ngayon ang mga may-ari ng mga condominium unit sa Davao City dahil sa tila pinagtataguan sila ng pamunuan ng DMCI.

Hindi sinipot ni Chairman Isidro ­Consunji ng DMCO Holdings ang mga may-ari ng mga condo unit sa Davao na naapektuhan ng lindol sa lungsod.

Noong una ay binabalewala ni ­Consunji ang reklamo ng mga may-ari ng condo unit ng DMCI sa Davao pero mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang umaaksiyon.

Kung ating matandaan ay diretsahang binatikos ni Pangulong Duterte si Consunji at pinagbantaan na pagbabawalan na itong magnegosyo o magpasok ng proyekto sa Davao City.

Kaya naman ay ­napilitan ang DMCI-Consunji na makipag-areglo na sa mga naka­bili ng unit para sa posibleng kompensasyon sa pinsala sa gusali.

Nakapagtataka kasi dahil maraming condominium na katabi ng DMCI na parehong tinamaan ng lindol pero ang gusali lang ng mga Consunji ang umano’y may malaking pinsala sa istraktura dahil sa lindol.

Kung hindi napinsala ng grabe ang ibang gusali ay hindi maiaalis na tila may problema sa konstruksyon ng gusali ang DMCI at ang posibilidad na sub-standard o mahinang klase ang gusali.

Dahil rito ay makabubuting siyasatin na ang lahat ng mga proyekto ng DMCI lalo na ang mga condominium nito sa Metro Manila upang matiyak na nakasunod ito sa maayos at matibay na istraktura batay sa umiiral na tamang ­pamantayan.

Sa rami ng mga condominium ng DMCI sa Metro Manila ay dapat maimbestigahan ito dahil na rin sa pinangangambahang ‘The Big One’ o malakas na lindol na posibleng tumama sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.

Marapat lang na mabigyan ng kapanatagan ang kaisipan ng mga nakabili ng condo unit ng DMCI sa Metro Manila upang kung tumama man ang ma­lakas na lindol ay hindi magiging grabe ang pinsala.