Abante Tonite Interactive

DMCI-Consunji pasaway sa evacuation

0 213

Nagbabala si Davao City Mayor Sara Duterte sa mga real estate developer na mahigpit na sundin ang rekomendasyon ng City Engineer’s Office sa pagpapatayo ng mga bagong gusali makaraang gumuho ang bahagi ng 5-storey na Ecoland 4000 Residences ng DMC-Urban Property Developers Inc. (UPDI) makaraan ang magnitude 6.5 lindol na tumama sa Mindanao noong Huwebes nang umaga.

“We advised them to heed the recommendations of the city engineer’s office,” sabi ni Mayor Sara sa isang press conference.

Sinabi nito na inabisuhan agad ng lokal na pamahalaan ang buildin­g administrator ng Ecoland 4000 Resi­dences’ Himehji Building, ang isa sa 2-tower condominium noong Miyerkoles na hindi na ligtas tirahan ang gusali matapos na isyuhan ng notice of condemnation.

Subalit sa kabila nito ay hindi umano sinunod ng building administrator ang babala ng lokal na pamahalan at sa halip ay nag-isyu pa ng notice na “Ecoland 4000 Residence­s is safe to live with amidst of the controversies. The structural engineer checked the area and issued a certificate that the building is livable and can withstand a 7.2 magnitude earthquake just in case of reoccu­rance. Cracks are normal it is the aesthetics not the structure.”

Dahil dito, marami sa mga te­nant na nakatira sa condo ang nanatili at hindi umalis hanggang sa muling yanigin ng malakas na magnitude 6.5 na lindol ang Mindanao at dito na tuluyang bumigay at gumuho ang bahagi ng condo.

Makikita sa facade ng condo ang malalaking bitak hindi lamang sa dingding kundi maging sa mga poste ng istraktura.

Siyam na residente ng Himeji Building na nakatayo sa Eco Waste Drive ang nagtamo ng sugat dulot na lindol na tumama bandang alas-9:11 nang umaga, dalawang araw matapos silang yanigin ng magnitude 6.6.

Mabilis na nilapatan ng lunas ang mga sugatan ng mga respon­dent on sites habang ang iba ay dinala sa ospital.

Makikita sa ilang kumalat na larawan ang ilang tenant na dumaan ng bintana para makalabas mula sa gumuho nilang condo unit.

Dahil dito, hinimok ni Mayor Sara ang mga may-ari at developer ng mga gusali na inspeksyunin ang structural integrity ng kanilang mga property kasunod na malalakas at sunod-sunod na lindol.

Maglalabas din ang LGU ng mga listahan ng mga gusali na mapa­nganib nang tirahan.

Kinuyog naman ng mga netizen ang DMCI Homes na pag-aari umano ng mga Consunji dahil hindi pinahalagahan ang kaligtasan ng kanilang mga tenant.

Ayon sa mga reaksyon sa Twitter: ‘Government issued evac, but dmci engineers persisted.”

“So DMCI Homes denies that the Ecoland 4000 condominiums in Davao — which suffered damage during the earthquake — was their project.”

“Spreading false information can kill someones life. Please be careful on your post. Look what happened now at ecoland 4000.”

SamantaIa, tinanggi ng DMCI Homes ng mga Consunji na sa kanila ang gumuhong Ecoland 4000 sa Davao City na pinabubulaanan ng mga netizen kahapon.

Sa isang pahayag nu’ng October 31, sinabi ng DMCI Homes na ang Ecoland 4000 ay hindi nito proyekto at wala itong kinalaman sa deve­lopment, design at construction ng property. Dagdag pa nito, tanging ang Verdon Parc lamang ang project ng DMCI Homes sa Davao City.

Ayon sa website na PropertyAsia.ph, ang Ecoland 4000 Residences ay ang kauna-unahang residential condominium sa Davao City na itinayo ng DMC-Urban Property Developers Inc. noong 2007.

Ang DMCI Homes ay bahagi ng DMCI Holdings ng mga Consunji. Ang DMCI Holdings ang maitutu­ring na parent company ng DMCI Homes. Maaring hindi pag-aari ng DMCI Homes ang Ecoland 4000 at maari ring walang pag-aari rito ang DMCI Holdings dahil obligado itong ipaalam ang mga pag-aari nito dahil ito ay isang listed company na listed sa Philippine Stock Exchange.

Hindi man into bahagi ng DMCI Holdings, marami ang bakas na ito ay pag-aari ng pamilya Consunji.

Tweet ni Patrick Bilog@ptbilog, “Just coincidentally holding office in their building in Chino Ro­ces. Haha.”

Ang tanggapan ng DMC-UPDI ay matatagpuan sa 2281 Chino Roces Extension sa Dacon Buildin­g na kasama sa DMCI Plaza kung saan matatagpuan ang iba pang mga kompanya ng mga Consunji tulad ng DMCI Holdings, DM Consunji Inc., DMCI Power Corp., DMC-CERI, at iba pa. (Eileen Mencias/Juliet de Loza-Cudia)