Abante Tonite Interactive

DMCI-Consunji tiklop kay Duterte

335

Handa nang magbayad si DMCI Holdings Inc. chairman Isidro Consunji sa mga naperwis­yong unit owner sa Verdon Parc condominium sa Davao City.

Ito’y matapos na pagbantaan ang bilyonaryo ni Pangulong Rod­rigo Duterte na kapag hindi nakipag-ayos sa mga naapektuhang residente ng kanyang mga condo ay hindi na muling makapagpapatayo pa ng building ang DMCI.

Matatandaan na nireklamo ang apat na condo ng DMCI na Ecoland 4000, Magallanes Residences, Pametto Place at Verdon Parc matapos na magkaroon ng bitak nang tumama ang magnitude 6.5 na lindol sa Davao noong Oktubre ng nakaraang taon kung saan nag-collapse ang Ecoland 4000.

Sa Facebook post ng tumata­yong spokesperson ng mga Verdon Parc owner na si James Patoc, sinabi nito na tumawag sa kanya si Consunji matapos itong banatan ni Duterte sa television interview.

“Isidro Consunji called me directly right after he heard prrd lambasted his name. So he asked me to help him for damage control. I said the only thing to be done to silence the issue is to settle properly,” ayon kay Patoc.

Sa offer ni Consunji, wil­ling umano itong magbigay ng P40,000 kada buwan mula sa evacuation date sa Verdon Parc condo at matatapos lamang ang compensation kapag sinabi na ng Davao City Office of the City Building Official na maaari nang bumalik ang mga residente sa kanilang unit.

Magbibigay din ng full refund si Consunji sa mga na-pre sold na unit sa Verdon Parc 2, 3 at 4 na inaasahang matapos pa sa March 2020 at 2021.

Batay sa report ng DMCI, nasa P5 bilyon ang kanilang kita sa Verdon Parc ngunit malaki ang matatapyas dahil sa refund.

Samantala, hindi naman sinabi ni Consunji kung handa siya mu­ling bilhin ang mga unit sa Verdon Parc 1 (Martel) o magbayad ng mga pinsala sa mga owner, na u­nang hiling nina Patoc.

“I informed Mr. Consunji that I can’t guarantee everyone will accept this offer but I will just pro­perly relay it to the group, and he said he has no problem with it,” ayon kay Patoc, na magkakaroon ulit ng meeting sa mga Consunji sa Enero 17 para pag-usapan ang offer.

Sinabi din ni Patoc na walang commitment na ibinigay ang DMCI na babayaran ang mga napinsala sa Martel condo na humihingi ng 150 porsiyentong refund na nauna nitong ibinigay sa mga unit owner ng Ecoland.

Nakatakdang makipagpulong uli ang mga unit owner kay Consunji sa Enero 17 ng kasalukuyang toan.

“Samantala, ikinalugod naman ng Malacañang ang desis­yon ni Consunji na bayaran ang mga naperwisyong condo owner. (Ray Mark Patriarca/Prince Golez)