Abante Tonite Interactive

DND walang magawa sa signal jammer ng China

By
222

Hindi umano kayang pigilin ng Pilipinas ang ginagawang paglalagay ng signal jammer ng China sa Panganiban reef sa West Philippine Sea (WPS), ayon kay Department of Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Ang pahayag ni Lorenzana ay base na rin sa ulat na inilabas ng Wall Street Journal na naglalagay umano ang China ng signal jammer sa kanilang mga reclaimed island sa WPS.

Ayon sa kalihim, mismong ang ginawang reclamation sa ilang mga isla sa West Phi­lippine Sea ng China ay hindi napigilan lalo na umano ang paglalagay nila ng signal jammer sa mga ito.

Isa umano sa posib­leng dahilan ng paglalagay ng signal jammer ay upang hindi sila ma-monitor ng mga US Navy ship.
“Ang suspetsa ko nasagap ng mga US Navy ships ‘yung jamming signals, alam nila na armado ang mga US Navy ships. Mapipi­gilan ba natin ang China na maglagay ng signal jammers sa mga reclaimed island nila, ang construction nga ‘di natin napigilan lalo na ang paglalagay lang nito (signal jammer), sigurado hindi natin sila kayang pigilin,” paliwanag ni Lorenzana.

Dagdag pa ng kalihim na madali lang umanong maglagay ng mga ganitong sistema sa isang sasakyan upang maputol ang komunikasyon at ang pinakamodernong paraan nito ay makikita umano sa weapon system na sa malalaking barko at gusali makikita.

Makabago o high tech ang mga nasabing kagamitan na puwedeng i-on o i-off nang agaran kaya hindi malalaman na may signal jammer kapag hindi ito nakabukas.