Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Doble plaka sa motorsiklo, tutol ang mga rider

0 115

KAMAKAILAN lamang ay pinasuspinde mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVIC) matapos imbestigahan ng Senado kung bakit ito ipinatupad ng walang kaukulang batas.

Bagamat naninindigan ang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) hinggil dito ay wala silang nagawa sa utos ng Palasyo dahil sa karagdagang gastos umano ito sa panig ng marami sa ating kababayan lalo pa at hindi pa tayo nakakaalpas sa pandemya.

Kung pakikinggan natin ang mga paliwanag ng Department of Transportation (DOTr) at LTO hinggil sa PMVIC ay napakaganda ng kanilang layunin ngunit kinakitaan umano ito ng hindi maganda ng Senado at hanggang ngayon ay hindi pa tapos ang usapin hinggil dito.

Halos kasabay na ipinasuspinde ng Pangulo ang pagpapatupad nitong Republic Act No.11229 o ang Child Safety in Motor Vehicle Act na sinimulan nang ipatupad ng DOTr at LTO nitong nagdaang Pebrero 2.

Inulan din ng reklamo ang naturang batas at nakita ito ng Palasyo kaya agad itong sinuspinde ng Pangulo dahil sa gitna umano ng pandemya ay hindi napapanahon ang ganitong mga karagdagang gastusin.

Tulad ng dati ay maganda rin ang paliwanag ng DOTr at LTO kung bakit kailangan na ang car seat law ngunit sa huli ay hindi sila nagtagumpay na maipatupad ito dahil nanaig ang hinaing ng marami sa ating mga kababayan na tutol dito.

Ngayon ay heto na naman ang panibagong batas na minamadali nang ipatupad—ito ang ‘doble plaka’ o ang RA 11235 o ang Motorcycle Crime Prevention Act na labis-labis din ang pagtutol ng maraming rider sa ating bansa.

Maganda rin ang layunin ng naturang batas na ginawang mas malaki ang plaka , mas madaling mabasa, color-coded, may RFID sticker, QR code at reflectorized sheeting.

Malaking hindi hamak ang bagong plakang nais ipatupad ng Land Transportation Office (LTO) na may sukat na 135mm by 85mm na ikakabit sa harap mismo ng motorsiklo at sa likod naman ay may mas malaking sukat na 235mm by 135mm.

Sa unang tingin ay aakalaing maganda ang layunin ng ‘doble-plaka’ dahil bukod sa madali itong mabasa kahit mabilis na umaandar ay puwede rin itong makatulong para madaling masakote ang mga lalabag sa batas o masasangkot sa krimen gamit ang motorsiklo.

Katunayan ay naglabas pa nga ng istatistika hinggil sa patuloy umanong pagtaas ng krimen na kinasasangkutan ng riding-in-tandem at pilit na inuugnay ang umiiral na mallit na plaka ng motorsiklo.

Ngunit labis itong tinututulan ng maraming rider at maraming asosasyon ng mga rider dahil sa hindi umano ito ligtas gamitin dahil walang matibay na pagkakabitan ang ganyang kalaking plaka sa harap ng motorsiklo.

Lantad na lantad din umano ito sa malakas na buga ng hangin at lalaban ito habang bumibilis ang takbo ng motorsiklo at hindi katulad sa ibang bansa na may plaka nga sa harap ng motorsiklo ngunit nakatagilid naman upang umayon sa daloy ng hangin at hindi kasing laki ng nais ipatupad ng LTO.

Sa mabilis na pagtakbo umano ng motorsiklo ay malaki ang posibilidad na kalaunan ay lumipad ang plaka at tamaan sa mukha ang nagmamaneho ng motorsiklo na magdulot ng mas malaking aksidente o makatama ng isang senior citizen o batang tumatawid lang.

Ilan lang ito sa napakaraming reklamo ng mga tutol na rider hinggil sa batas na ito na posibleng pagtuunan din ng pansin ng Palasyo dahil dagdag gastos din ang pagkakabit nito para sa mga mahihirap nating kababayan na kasalukuyang naghuhulog pa ng motorsiko sa gitna ng pandemya.

Isa pa, hindi naman gagamit ng tunay na plaka ang mga masasamang loob sakaling gagawa sila ng krimen kaya hindi rin ito rason para mabawasan ang krimen maliban sa mga masasangkot sa hit and run.

Leave A Reply

Your email address will not be published.