Abante Tonite
Mabilis sa Balita

DOE, ERC palpak sa mga power plant

0 179

Magpapatawag ng pagdinig ang Senado para pigain ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na maglatag ng klarong solusyon para hindi na maulit ang rotational brownout na nangyari sa Luzon nitong nakaraang linggo.

Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, sa Miyerkoles nila ipatatawag ang pagdinig kung saan padadaluhin ang mga opisyal ng DOE, ERC at iba pang ahensya sa sektor ng enerhiya.

“Gusto kong itong hearing na ito, gusto kong maging isang hearing na maghahanap ng solusyon,” ani Gatchalian.

Napakinggan umano nila ang ipinatawag na pagdinig ng Kamara noong Biyernes hinggil sa nangyaring mga brownout sa Luzon at nakita ng senador na hindi pa rin klaro ang solusyon ng DOE, ERC at iba pang ahensiya para hindi na maulit ang pagkawala ng supply ng kuryente.

“So itong darating pong Wednesday susundan namin `yong hearing na ginawa ng House pero ang ating focus ay solusyon dahil ayaw natin na tuwing summer na lang ay ganito na kinakabahan tayo at baka magkaroon tayo ng problema,” sabi ni Gatchalian sa isang panayam sa radyo nitong Sabado.

Ayaw na umano nila na magkaroon pa ng finger-pointing o nagtuturuan kung sino ang may kasalanan.

Sa tanong kung may nakita ba silang kapabayaan sa panig ni Energy Secretary Alfonso Cusi, hindi ito sinagot ni Gatchalian subalit ipinaliwanag ng senador na hindi aniya maayos ang pag-aanalisa ng mga datos.

Binanggit ni Gatchalian na nagpatawag na sila dati ng pagdinig sa isyu ng kahandaan sa supply ng kuryente sa bansa at tiniyak pa umano ng DOE na walang magaganap na brownout.

“Pero obviously hindi `yon `yong nangyari. So ni-review ko `yong transcript, talagang buo ang loob nila na wala tayong brownout pero nagkaroon ng brownout, so may problema sa kanilang pag-aanalisa, may problema sa kanilang pag-aanalisa ng datos, in the same manner may problema din sa kanilang competence,” sabi pa ni Gatchalian.

Leave A Reply

Your email address will not be published.